Muling umapaw ang bilang na dadalo sa gaganaping Philippine Sports Commission (PSC) Sports Science Seminar para sa makabagong kaalaman at teknolohiya sa Series 8 at 9 sa Multi-Purpose Arena ng PhilSports Complex (dating ULTRA) sa Oranbo, Pasig City.
Tampok na tagapagsalita sa seminar sina Dr. Scott Lynn, Biomechanics and Strength and Conditioning Expert; Dr. Wilber Wu, Sports Science and Motor Learning Expert; Mr. Terence Rowles, Sports Coaching Consultant ang pinakabago na si Mr. David Darbyshire, Performance Consultant to World Class Athletes, “Body Whisperer”.
Lumampas sa 500 katao ang nagpalista upang madinig ang ibabahagi ng resource speakers na sina England-born American Terrence Rowles at Canadian Dr. Scott Lynn sa tatlong araw na okasyon na gaganapin simula Abril 18 hanggang 21.
Ang seminar ay pagpapatuloy sa mga naunang idinaos na seminar mula pa noong 2013 hanggang sa nakalipas na taon tampok ang mga ekspertong dayuhang speakers para ipaliwanag sa mga national coaches at iba pang sports officials.
“Nakita ng PSC na nararapat na simulan ang taong 2015 sa pamamagitan ng sports seminars lalo pa’t magsisimula uli ang pagsasanay ng mga atleta para sa mga kompetisyong sasalihan. Ang mga matututunan sa seminars na ito ay makakatulong para lumalim ang kaalaman ng mga coaches na dadalo,” sabi ni PSC chairman Ricardo Garcia.
Si Lynn, nagtapos ng BSc/BPHE,MSc at PhD (Biomechanics) degree sa Queen’s University sa Kingston, Ontario, Canada, sumailalim pa sa post-doctoral fellowship sa University of Waterloo sa Waterloo, ON, Canada at isang associate professor sa Kinesiology sa California State University, ay bihasa sa biomechanics.
Isa rin si Rowles na nagsalita noong Mayo kasama si Ali Gilbert sa seminar. Siya’y advisory board member ng Sports Performance University (SPU) at may post graduate certificate sa Neuro Linguistic Programming na magagamit para sa mental toughness ng mga atleta.