Kinilala ang kagitingan ni WBO light flyweight king Donnie “Ahas” Nietes bilang ‘longest reigning Filipino world champion’ sa boxing sa gaganaping 34th Sportswriters Association of Cebu (SAC)-San Miguel Brewery (SMB) Sports Awards sa Abril 23, sa Robinson’s Galleria Cebu.

Walang kapantay sa mata ng mga Cebuano sportswriters ang kampanya ni Nietes, kabilang ang huling tatlong panalo na pawang natapos sa dominanteng pamamaraan.

Nabura ni Nietes ang dating record na mahabang taong hinawakan ng namayapang si Gabriel “Flash” Elorde sa mahigit pitong taong pamamayagpag bilang kampeon.

Sinimulan ni Nietes ang kampanya sa taong 2015 sa unanimous decision win kontra Mexican Gilberto Parra noong March 28 sa Araneta Coliseum kasunod ang panalo kay Francisco Rodriguez Jr. sa Cebu at Juan Alejo sa US noong Oktubre.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

Nasa ikawalong taong ng pagiging kampeon, nakatakdang idepensa ni Nietes ang korona kay dating world champion Raul “Rayito” Garcia sa Mayo 28 sa Pinoy Pride 36: Legend In the Making na gaganapin sa Saint La Salle Coliseum sa Bacolod City.

Si Nietes, tinanghal na “Athlete of the Year” ng grupo, ay tubong Murcia, Negros Occidental.

Makakasama niya sa pararangalan sina Jason Pagara at Mark Magsayo na parehong sasabak sa The Time Has Come: Donaire Vs. Bedak sa Abril 23, sa Cebu City Sports Center. 

Tatanggap din ng citation sina Albert Pagara, Kevin Jake Cataraja, Arthur Villanueva, Kenny Demecillo, at Marlon Tapales.