Bukod sa pagtitinda ng gulay, nabuking ng awtoridad na nagbebenta rin ng shabu ang isang mag-asawa sa ikinasang buy-bust operation sa General Santos City.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Undersecretary Arturo G. Cacdac ang mga naaresto na si Kamarudin Sapal, 32; at maybahay nitong si Badria Maulana, 43, kapwa nagtitinda ng gulay sa General Santos Public Market, at residente ng Buluan, Maguindanao.
Dakong 2:00 ng hapon nitong Abril 13 nang damputin ng mga ahente ng PDEA Regional Office 12, sa pamumuno ni Director Lyndon P. Aspacio, ang mag-asawa sa entrapment operation sa Santos Boulevard, General Santos City.
Agad na pinosasan ng mga PDEA agent ang mag-asawa nang iabot ng mga ito ang isang malaking plastic sachet na naglalaman ng 50 gramo ng shabu sa isang PDEA agent, na nagkakahalaga ng P525,000.
Agad na dinala ang nakumpiskang ebidensiya sa PDEA RO12 upang sumailalim sa forensic examination.
Nahaharap ang dalawang suspek ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. - Francis Wakefield