HONG KONG – Kasaysayan ang naitala ni Ian Lariba para sa hindi masyadong napag-uusapang sports na table tennis.
Nakamit ni Lariba ang karangalan bilang unang Pinoy table tennis player na makalalaro sa Olympics nang makasungkit ng Olympic berth para sa Rio Games sa Agosto.
Ginapi ni Lariba, premyadong varsity player ng La Salle sa UAAP, si Lilis Indriani ng Indonesia, 11-6, 11-2, 11-8, 11-5, sa women’s singles ng 2016 ITTF-Asian Olympic Qualification Tournament nitong Sabado sa Hong Kong para makopo ang ika-11 puwesto sa women’s draw ng Rio Olympics.
Sinuportahan ng Philippine Airlines para sa naturang biyahe, si Lariba ang ikalimang Pinoy na makakalaro sa Olympics kasama sina Eric Cray ng athletics, Rogen Ladon at Charly Suarez ng boxing, at Kirstie Elaine Alora ng taekwondo.
Ipinarating ni Joey Romasanta, chef de mission ng Team Philippines sa Rio Games, ang pagpupugay kay Lariba matapos matanggap ang impormasyon na nag-qualify ito sa quadrennial meet.
“Malaking tulong ito sa kampanya ng ating bansa. Although, hindi masyadong pinag-uusapan ang table tennis, ang pagkakaroon ng kinatawan sa Olympics ay isang malaking karangalan,” sambit ni Romasanta.
Naging balakid sa kampanya ni Lariba ang kabiguan kay Orawan Paranang ng Thailand, 11-6, 11-2, 11-4, 13-11, sa Stage One ng Southeast Asia bracket, sapat para malaglag siya sa Draw D sa Stage Two ng kompetisyon.
Hindi naman nawalan ng sigla ang La Salle stalwart kung saan humirit siya sa classification phase kontra kina Maha Faramarzi ng Qatar, 11-5, 11-1, 11-7, 11-4, at Mahjobeh Omran ng Iran, 11-6, 15-13, 11-8, 7-11, 10-12, 11-8, bago muling natalo kay Nanthana Komwong ng Thailand sa Draw D final para sa Olympic berth.
Sa do-or-die match para sa ika-11 puwesto, siniguro ni Lariba na hindi siya mabibigo sa pangarap na Olympics nang walisin ang karibal sa best-of-seven match.
Tinanghal na UAAP MVP sa Season 78 si Lariba matapos pagbidahan ang La Salle sa kampeonato. Sumabak din siya ngunit nabigo sa Singapore SEA Games sa nakalipas na taon.