Natawagan ng net ball violation si Amy Ahomiro ng Ateneo nang depensahan ang hataw ni Sheena Mae Chopitea ng University of the Philippines sa kainitan ng kanilang laro sa UAAP season 78 Women’s Volleyball Final Four nitong Sabado, sa MOA Arena.  Nagwagi ang Lady Eagles sa straight set para makausad sa championship round sa ikalimang sunod na taon.   CAMILLE ANTE

Ni Marivic Awitan

Marami pang kakaining bigas ang University of the Philippines Lady Maroons. Sa panig ng Ateneo Blue Eagles, babantayan na lamang nilang hindi masunog ang sinaing.

Tulad ng inaasahan, magaan na tinalo ng top seeded Lady Eagles ang No.4 Lady Maroons, 25-19, 25-16, 25-21, sa Final Four ng UAAP Season 78 women’s volleyball championship nitong Sabado, sa MOA Arena.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Tangan ang twice-to-beat na bentahe, walang hirap na pinabagsak ng Ateneo ang karibal para makausad sa championship match at sa hangad na back-to-back title.

Makakaharap ng Lady Maroons sa finals ang magwawagi sa pagitan ng No.2 seed La Salle at No.3 Far Eastern University na magtutuos sa hiwalay na Final Four playoff series. Hawak din ng Lady Spikers ang twice-to-beat na bentahe.

Nanguna sa Ateneo sina sophomore Jhoana Maragunot at back-to-back MVP Alyssa Valdez sa pinagsamang 33 puntos. Hataw si Maraguinot sa 10 spike, tatlong block at apat na service ace, habang kumana si Valdez ng 14 na kill.

“I’m so thankful na for the fifth time I’m entering into the Finals with different teammates and different coaches I’m just really lucky to be there again for the last time,” sambit ni Valdez.

Hataw sa UP sina Nicole Tiamzon nay may 13 puntos at Kathy Bersola na may walong puntos.

Inamin naman ni UP coach Jerry Yee na malaki pa ang kakulangan ng team, higit sa sitwasyon na tulad ng Final Four.

“Masyado pang bata sa diskarte, wala pang gulang,” pahayag ni Yee.

“Mahina pa, di pa alam ang dapat gawin sa ganitong laban.Hindi pa ganun ka- smart. Medyo mabagal pa kaya siguro kailangan dagdag na lang sa lahat ng aspect sa susunod,” aniya.