1 copy

MULING nagkakulay ang kalangitan sa naglalakihan at naggagandahang mga saranggola na pinalipad sa selebrasyon ng ikalawang Kite Festival ng Kite Association of the Philippines (KAP) at SM City Cauayan, noong Abril 9 sa lalawigan ng Isabela.

Ang event ay bilang suporta sa turismo, kasabay sa selebrasyon ng Gawagawayan Festival ng Cauayan City, Isabela.

Lumahok sa kompetisyon ang mahigit sa 70 saranggola, maliliit at malalaki, na nagmula pa sa iba’t ibang lugar sa pangangasiwa ng KAP na ginanap sa rooftop ng mall.

‘Pasko para sa lahat’ PDLs, may Christmas wishlist ngayong Pasko!

Ayon kay Krystal Gayle Agbulig, public relations officer, bago sinimulan ang kompetisyon ay nasagawa muna ng kite workshop ang KAP sa may 50 estudyante, na nagdisenyo ng kanya-kanyang saranggola na may iba’t ibang kulay.

Ayon kay KAP President Orlando Ongkingco, layunin ng asosasyon na muling buhayin sa kabataan na gawing libangan ang paggawa at pagpapalipad ng saranggola kaysa na nagbababad lamang ang mga ito sa computer.

“Nawawala na kasi ang saranggola, lalo na sa isang siyudad, dahil walang lugar para mapaglaruan ng mga kabataan.

Kaya namin isinagawa dito sa rooftop ay para makita ng mga kabataan na puwede sa bubong ng bahay.

“Ang kite flying ay isang skill, kaya ginagawa ng aming asosyon sa iba’t ibang sulok ng ating bansa ang workshop at kompetisyon sa tulong ng sponsor para manumbalik ang tradisyunal na kite flying,” paliwanag pa ni Ongkingko.

Ang kompetisyon ay nagkaroon ng mga kagorya na gaya ng Guryon o regular flat kites, na 11 ang lumahok; 8 sa 3D kites; 3 Banner kites o Bandera at 6 sa Geometrical kites. Bukod pa rito ay pinalipad din ng mga estudyante ang kanilang mga dinisenyong saranggola. (Rizaldy Comanda)