Kumpiyansa si Nonito Donaire, Jr. para sa isa pang dominanteng panalo.

Ni Gilbert Espeña

Nakumpleto ng ALA Promotions International at local city officials ang preparasyon para sa World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title showdown nina “The Filipino Flash” Nonito Donaire Jr. at Zsolt Bedak sa Abril 23, sa Cebu City Sports Center.

Inaasahang dudumugin ang downtown Cebu City ng 30,000 spectator upang masaksihan ang unang pagdedepensa ng korona ng tubong Bohol na si Donaire kontra sa dating Hungarian Olympian.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Masayang sinabi ni ALA Director of Operations Jeana Alvarez na mabentang-mabenta ang laban at naubos na ang mga mahal na tiket.

“We expect that the middle-priced and lowest-priced tickets will sell during the fight week. And basing on the trend of the ticket sales, we expect a sellout,” nakangiting pahayag ni Alvarez.

Ayon kay Jonathan Tumulak ng Cebu City Transportation office, isasara na nila ang Osmeña Boulevard (Jones Ave.) mula P. del Rosario hanggang Fuente Osmeña Circle; R.R. Landon St. hanggang Junquera St.; at P. del Rosario St. mula Osmeña Blvd hanggang Junquera St.

Maaari aniyang gamitin ang mga kalyeng ito upang magsilbing parking areas ng mga ticket holder.

Mananatili namang nasa may Osmeña Blvd. ang entrances/exits ng Cebu City Sports Center para sa mga may hawak ng mas mahal na tiket, habang sa may R.R. Landon ang may hawak ng murang tiket at sa may Natalio Balcalso Ave. naman ang mga VIP.

Inilahad naman ni Police operations chief David Senior na magtatalaga ang kanyang opisina ng mahigit 100 unipormado at nakasibilyang pulis upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa buong lugar. Maglalagay din sila ng metal detectors para ma-screen ang lahat ng papasok sa venue ang mga sasakyan at magroronda rin sa lugar.

Huling nagsagawa ng malaking boxing event sa Cebu noong Pebrero 24, 2007 na nagtampok kina Fernando Montiel vs Z Gorres para sa WBO World Flyweight championship.