ZAMBOANGA CITY – Naghain ng reklamo ang isang 27-anyos na babae sa Zamboanga City Police Office na umano’y halinhinang hinalay ng limang lalaki sa loob ng isang bahay na pinagdausan ng pot session sa Seafront Subdivision sa Barangay Baliwasan sa lungsod na ito.

Nadakip ng pulisya ang dalawa sa limang suspek sa loob mismo ng bahay na pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa biktima, nag-joyride sila ng kanyang nobyo, sakay sa motorsiklo, dakong 10:00 ng gabi nitong Abril 12 at nakarating sila sa Rio Hondo para mamahinga sa dalampasigan malapit sa permanent housing site sa siyudad.

Makalipas ang ilang minuto, ayon sa biktima, lumapit ang isang Mohammad at lalaking kasama nito at nakipagsagutan sa kanyang nobyo hanggang kaladkarin sila sa isa sa mga bahay sa lugar.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ng biktima na tinangka siyang halayin ng dalawa sa loob ng bahay, ngunit nabulahaw ang ilang kapitbahay kaya isinakay siya ng dalawang suspek sa isang motorsiklo habang tinututukan ng baril at kinuha ng mga ito ang kanyang pera at cell phone.

Aniya, mula sa Rio Hondo ay dinala siya ng dalawang suspek sa Seafront Subdivision at sa loob ng pinasok nilang bahay ay may tatlong lalaki na nagpa-pot session.

Ayon sa biktima, pasado 2:00 ng umaga ng Miyerkules nang halinhinan siyang hinalay ng limang suspek.

Pagkatapos, nagmakaawa siyang uuwi na kaya dinala siya ni Mohammad at ng una nitong kasamahan sa Baliwasan Seaside Road at sa isang tricycle ay nagpahatid siya sa himpilan ng pulisya upang magreklamo.

Si Mohammad at ang kamag-anak nitong nakilala lang bilang Pailano ang naaresto ng mga pulis, at nakakumpiska rin ng drug paraphernalia sa silid na pinangyarihan ng panghahalay. (Nonoy E. Lacson)