BORACAY ISLAND – Kailangan ng mga restaurant, bar, resort, at convenience store sa Boracay Island sa Malay, Aklan, na mag-apply ng permit para makapagbenta alak sa eleksiyon sa Mayo 9.
Ayon kay Atty. Roberto Salazar, pinuno ng Commission on Elections (Comelec)-Aklan, magiging istrikto ang komisyon sa pagpapatupad ng liquor ban ngayong taon.
Aniya, hindi maaaring magbenta ng alak sa mga turista ang alinmang establisimyento sa Boracay nang hindi naghahain ng exemption sa ban.
Kailangan munang mag-apply ng accreditation mula sa Department of Tourism (DoT)-Region 6 ang mga negosyante at kapag naaprubahan ay tsaka pa lamang makapaghahain ng aplikasyon para sa liquor ban exemption sa Comelec. (Jun Aguirre)