MAKALIPAS 300 taong pananakop ng mga Kastila na naghasik ng binhi ng Kristiyanismo kung saan ang mga Pilipino’y natutong tumingala sa langit, dumating ang bagong panauhin sa tahanan ng aking lahi.

Ang dumating na panauhin ay bagong mananakop na may pangakong tayo’y tatangkilikin. Pauunlarin ang buhay at mga kabuhayan. Ngunit ang pangakong iyon ay naging ugat ng panibagong pang-aalipin at pambubusabos. Bunga nito, naghimagsik ang mga anak sa tahanan ng aking lahi na mapagmahal sa Kalayaan. Ang paglayang nais agawin ay buong tapang at giting na ipinagtanggol. Ipinaglaban kahit nakataya ang buhay at dugo. Ilan sa mga anak sa loob ng tahanan ng aking lahi ay nagbuwis ng dugo at buhay. Ang pakikipaglaban sa mga dayuhang nagturo ng demokrasya na sumakop sa tahanan ng aking lahi sa loob ng 50 taon ay bahagi na ng ating kasaysayan.

Nagpatuloy ang pakikipaglaban ng mga naninirahan sa tahanan ng aking lahi. Lalong mahigpit na pagtatanggol ang kanilang ginawa. Nilabanan ang pananakop ng mga sakang na nagtangkang sumikil sa Kalayaan. Sila’y higit na malupit at marahas. Walang habag at habas kung pumatay ng mga tahimik na mamamayan at sa mga walang malay na sanggol at kababaihan.

Nakalasap ng kabiguan, pang-aabuso, kagutuman at pagkakasakit. Ang kagandahan ng paligid, dilag at ningning ng perlas ay nadungisan dahil sa digmaan. Ang tahanan ng aking lahi’y lumuha. Nalugmok ang kabuhayan. Hindi matiyak ang magiging kinabukasan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nabuhay ang bagong pag-asa. Sa tulong ng bansang nagpalaya sa tahanan ng aking lahi, unti-unting nakabangon ang lugmok na kabuhayan. Kumislap ang bagong pagsisikap. Ang mga naninirahan sa tahanan ng akng lahi’y nagkaroon ng bagong lakas ng loob upang ang nadungisang ningning ng pagiging perlas ay muling lumiwanag at kuminang. At sa may katiyakang pagpupunyagi, muling gumanda ang paligid ng tahanan ng aking lahi. Umunlad ang kabuhayan at naitayo ang maraming gusaling pangkomersiyo na naging bukal at suhay ng kabuhayan. Ang mga likas na yaman sa bundok at dagat ay pinaunlad upang maging sangkap sa patuloy na pagsulong.

Guminhawa ang pamumuhay at muling natamasa ang kaligayahan. Ngunit marami rin ang naghikahos. Ang mga kapus-palad.

Sa kabila nito, nananatiling malaki ang kanilang pag-asa at pananalig na darating ang araw na makakaahon din sila sa hirap. (Clemen Bautista)