MAKIKIISA ang Pilipinas sa may 130 bansa na lalagda sa kasunduan sa climate change na nabuo sa 2015 United Nations (UN) Climate Change Conference sa Paris, France, noong Disyembre. Ang seremonya ng paglagda ay idaraos sa Biyernes, Abril 22, sa UN headquarters sa New York City, na pangungunahan ni UN Secretary General Ban Ki-moon.
Mahigit 60 pinuno ng mga bansa ang dadalo sa seremonya, kabilang si French President Francois Hollande na nanguna sa makasaysayang komperensiya sa Paris na layuning limitahan ang pag-iinit ng mundo sa mas mababa sa 2 degrees Celsius kung ikukumpra sa pre-industrial levels.
Sa nasabing komperensiya sa Paris, 146 na bansa ang nagprisinta ng kani-kanilang mungkahi na pambansang kontribusyon laban sa climate change. Ang mga bansang ito ay pinangungunahan ng dalawang pangunahing greenhouse gasses emitter sa mundo, ang United States at China, na bumubuo sa 38 porsiyento ng kabuuang emissions sa daigdig. Nagkasundo sina US President Obama at Chinese President Xi Jinping sa kani-kanyang pangakong hakbangin laban sa climate change bago pa idaos ang komperensiya noong Disyembre.
Matapos lagdaan ang kasunduan sa Paris ngayong buwan, kailangan naman itong aprubahan ng mahigit 55 bansa na kumakatawan sa 55 porsiyento ng man-made emissions na sinisisi sa climate change. Sa ilang bansa, kailangan pa ang pag-apruba ng kongreso o parlamento, ngunit inaasahan nang madali lamang na maisasakatuparan ang 55 porsiyento.
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang pinakalantad sa matitinding bagyo at iba pang kalamidad na epekto ng nagbabagong klima dahil sa lokasyon nito na tumbok ng mga bagyo sa Pasipiko. Ang pagkatunaw ng glaciers sa mga rehiyon ng Arctic at Antarctic ay dahilan din sa pagtaas ng dagat, na nagbabanta sa mga islang bansa gaya ng Pilipinas, gayundin ang mga lugar ng dalampasigan ng iba pang mga bansa tulad ng United States. Kaya naman isa tayo sa pinakamasusugid na tagasuporta ng makasaysayang kasunduan na lalagdaan sa New York sa Abril 22.
Naghahandog din tayo ng sarili nating kontribusyon sa pangkalahatang pagsisikap upang mabawasan ang pandaigdigang greenhouse emissions sa pamamagitan ng tuluy-tuloy nating paglikha at pagpapabuti ng renewable energy upang makaagapay sa mga pangangailangan ng mga pabrika at kabahayan, gaya ng mga wind, solar, at biomass energy farm na pinaplano at ipinatatayo ngayon sa iba’t ibang panig ng ating bansa.