Don’t panic.
Ito ang naging abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa publiko kaugnay ng sunud-sunod na lindol sa mga bansa sa Asia, kabilang na ang Pilipinas.
Paglilinaw ni Angelito Lanuza, senior science research specialist ng Phivolcs, hindi magkakaugnay ang mga naitalang pagyanig sa nakalipas na mga araw, na ang huli sa Pilipinas ay naramdaman sa Zamboanga, makaraang maitala ang magnitude 6 na pagyanig.
Miyerkules, Abril 13, nang maramdaman ang magnitude 6.9 na lindol sa Myanmar, at magnitude 6.4 sa Japan nitong.
Kahapon ng madaling araw, niyanig naman ng magnitude 7.3 na lindol ang Japan, sa bahaging katimugan din.
“Walang source na nag-iisa itong mga lindol na ‘to. Definitely hindi sila related,” pagtitiyak ni Lanuza.
Gayunman, binalaan pa rin ni Lanuza ang publiko na maging preparado sa posibleng pagtama ng malakas na lindol sa bansa.
Aniya, walang nakahuhula ng eksaktong oras, lugar, at magiging epekto ng lindol sa Pilipinas.
“Kahit naman related ang mga lindol, wala namang magbabago. Ang importante, preparedness,” sabi ni Lanuza.
Mahalaga rin, aniya, ang suporta ng mga lokal na pamahalaan na nagtuturo sa mamamayan ng tamang paghahahanda sa kalamidad. (ROMMEL P. TABBAD)