SA petsang ito noong 1946, natamo ng Syria ang kalayaan nito matapos ang ilang dekadang pananakop ng France. Ang araw ay ipinagdiriwang sa seremonya ng pagtataas ng watawat sa mga memorial park upang magbigay-pugay sa mga nag-alay ng kanilang buhay sa mga digmaan upang mapalaya ang bansa mula sa pananakop ng dayuhan.
Ang Syria, na Syrian Arab Republic ang opisyal na pangalan, ay matatagpuan sa Southwestern Asia, hilaga ng Arabian Peninsula sa Gitnang Silangan patungo sa dulo ng silangan ng Mediterranean Sea. Nahahangganan ito ng Turkey sa hilaga, Lebanon at Israel sa kanluran, Iraq sa silangan, at Jordan sa katimugan. Biniyayaan ang bansa ng matabang lupain, matataas na bundok at malalawak na disyerto. Nagsisilbi itong tahanan ng iba-ibang grupong etniko at relihiyoso, kabilang ang mga Kurd, Armenian, Assyrian, Kristiyano, Druze, Alawite Shia, at Arab Sunnis. Ang huling grupo ang bumubuo sa malaking bahagi ng populasyong Muslim.
Bago ang Unang Digmaang Pandaigdig, ang Syria ay nasa ilalim ng kontrol ng Ottoman Empire. kasunod ng pagbagsak ng imperyo, tinukoy sa 1916 Sykes-Picot Agreement ang Syria bilang nasa ilalim ng impluwensiya ng France. Naglunsad ng maraming kilos-protesta upang igiit ang kalayaan ng Syria mula sa France. Ang isang pangunahing kasunduan para rito ay sinimulan noong 1936. Alinsunod sa Treaty of Independence of Syria noong Setyembre 1936, si Hashim al-Atassi ang naging unang pangulo ng Syria, ngunit hindi kinilala ng France ang kanyang kapangyarihan. Ang pagkabigo ng France sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang nagbunsod ng pagbabago sa kontrol nito sa Syria, mula sa France ay napasailalim ng gobyernong Vichy ng huli na namuno simula Hulyo 1940 hanggang Agosto 1944. Tinangka ng France na muling mapasailalim ang bansa noong 1941 ngunit iprinoklama na ng Syria ang sarili bilang isang malayang estado nang taon ding iyon.
Iginawad ng France ang kalayaan ng Syria makalipas ang tatlong taon, ngunit noong Abril 17, 1946 lamang tuluyang pinaalis ng France ang puwersang militar nito mula sa Syria. Ito ang dahilan kaya ang Abril 17 ay tinatawag ding “Evacuation Day” sa Syria.
Napanatili ng Republika ng Pilipinas at ng Syrian Arab Republic ang mahusay nitong ugnayan. Mayroong embahada ang Pilipinas sa Damascus, ang kabisera at ikalawang pinakamalaking siyudad ng Syria, habang may konsulado at General Office naman ang Syrian Arab Republic sa Makati City.
Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Syria, sa pangunguna nina President Bashar al-Assad at Prime Minister Wael Nader al-Halqi, sa pagdiriwang nito ng Pambansang Araw.