NGAYONG Jubilee Year of Mercy, nagpalabas si Pope Francis ng bagong apostolic exhortation na “Amoris Laetitia”, Latin para sa “Kaligayahan ng Pag-ibig.” Nananawagan ito sa mga Simbahan na tanggapin ang mga dumistansiya dahil sa pakiramdam ng pagkakasala at kahihiyan dahil sa pagiging single parent, bakla, o nagsasama nang hindi kasal.
Hindi nagbabago ang paninindigan ng Simbahan laban sa diborsiyo at same-sex marriage, ngunit dapat na ang mga pari, ayon sa Santo Papa, ay buong pusong tanggapin ang mga tao at mga pamilya na nabubuhay nang hindi naaayon sa ideyalismo ng mga Kristiyano para sa isang pamilya. Maaaring matagal nang nararamdaman ng mga taong ito na hindi sila karapat-dapat na tumuntong sa Simbahan. Ngunit ngayong Jubilee Year of Mercy, ayon kay Pope, dapat na paalalahanan ang mga Katoliko na ang pagpapatawad at pagiging mahabagin ang diwa ng kanilang pananampalataya.
Nitong Linggo, nanawagan si Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, sa mga obispo at pari sa Pilipinas na tumalima sa panawagan ni Pope Francis para sa pagmamalasakit sa mga “imperfect” na Katoliko na hiwalay sa asawa, nadiborsiyo, o muling nag-asawa. “When brothers and sisters who, because of broken relations, broken families, and broken lives, stand timidly at the doors of our churches—and of our lives—unsure whether they are welcome or not, let us go out to meet them as the Pope urges us to,” aniya.
At dahil taon din ito ng eleksiyon sa Pilipinas, isa pang opisyal ng CBCP, si Fr. Amado Picardal, executive secretary ng CBCP Basic Ecclessial Communities, ang umapela naman sa mga botante ng bansa na pakinggan ang payo ng Santo Papa ngayong Taon ng Awa, at suportahan ang mga maawain at mapagmalasakit na pinuno. Ang mga pinunong walang awa, aniya, ay magreresulta sa isang lipunang pinaghaharian ng terorismo at nalalabag ang mga karapatang pantao.
Inaalala ng mga mapagmalasakit na pinuno ang kapakanan ng mahihirap at titiyaking mararamdaman ng lahat ang pagsulong ng pambansang ekonomiya, hindi lamang ang malalaking kapitalista at mga dayuhang korporasyon.
Awa at Malasakit ang tema ng pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas noong Enero 2015. Ito rin ang tema ng kanyang huling pangaral na “Amoris Laetitia”. Maaari rin itong magsilbing gabay ng ating mamamayan sa pagpili sa Mayo 9 ng mga mamumuno sa ating bansa sa susunod na tatlo hanggang anim na taon.