ALMOST five years na sa GMA Network si Louise delos Reyes, at almost six months na siyang walang ginagawang soap. My Faithful Husband pa ang huling serye niya, na natapos noon pang November 2015.

Hindi ba siya nagtampo sa GMA na anim na buwan siyang walang trabaho?

“Hindi naman po, kasi kung wala man akong ginagawang drama series, lagi naman nila akong igini-guest sa mga shows nila, kaya tuluy-tuloy din ang trabaho ko,” sagot ni Louise. “Pero dumating din ako sa point, no’ng wala akong regular work, na tinanong ko ang sarili ko kung para sa showbiz ba talaga ako. Iyon po ang first time na matagal akong walang ginagawa, pero na-realize ko rin na para talaga ako sa showbiz, dahil mahal ko ang acting. 

“Kapag may trabaho, hindi maiiwasan na mapagod sa trabaho, mapagod sa mga kasama sa trabaho, pero at the end of the day, I will rather choose to act in front of many people than only at home ang watch the people act. I love my craft at mahirap siyang i-let go.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

“May mga plano ako na gusto kong ituloy sa Law ang Foreign Service course ko, pero kapag may plano akong ganoon, bigla namang may project na dumarating, kaya hindi ako natutuloy. Kaya happy ako ngayong may bago na akong serye, ang Magkaibang Mundo at first time kong ka-love team si Juancho Trivina.”

Hindi ba siya nag-aalangan na baguhan ang kanyang ka-love team ngayon?

“Hindi po naman, matagal ko na rin namang kilala si Juancho at kaibigan ko siya.”

Ayon kay Juancho ay nakapanood na sila ng sine na magkasama?

“Yes po, pero iyong second time na inimbita niya ako after ng aming story conference, hindi po natuloy dahil nalimutan ko.”

Ayaw pag-usapan ni Louise ang kanyang lovelife pero alam ng entertainment press na nag-iinterbyu sa kanya na may nali-link sa kanya. Ngumiti lang si Louise nang biruin tuloy siya kung may possibility ba na ligawan siya ni Juancho.

Living independently na ngayon si Louise, may sarili siyang condominium unit sa Global City, ang parents at mga kapatid niya ang nakatira ngayon sa townhouse nila sa Kamuning.

Hindi ba mahirap na mag-isa lang siyang namumuhay?

“Hindi po naman, marami na rin akong natututunan, natuto na akong magluto, iyong damit ko naman, sa laundry shop, pero siguro ay ako na rin ang maglalaba, kapag kinukuwenta ko ang ibinabayad ko sa laundry, malaki rin. Pagdating sa aking career, ako na rin ang nakikipag-usap sa handler ko at ako na rin sa mga accounts ko. Hindi ko na ipinagagawa sa parents ko.”

Makakasama rin nina Louise at Juancho sa Magkaibang Mundo sina Ms. Gina Alajar, Rez Cortez, Assunta da Rossi, Maricar de Mesa, James Teng, at Liezel Lopez. Mala-Cinderella na may pagkatelefantasya ang concept ng serye nila, mula sa direksiyon ni Mark Sicat dela Cruz, mapapanod sa afternoon prime simula sa May 23, pagkatapos ng Eat Bulaga.

(NORA CALDERON)