MASHIKI, Japan (AP) - Kinumpirma ng pulisya ang ikalawang pagyanig sa Japan na tumama sa parehong rehiyon, at sa magkasunod na linddol ay umabot na sa 29 ang namatay.
Yumanig ang magnitude 7.3 sa rehiyon ng Kumamoto dakong 1:25 ng umaga kahapon. Nitong Huwebes ng gabi, naramdaman din sa nasabing lugar ang 6.5 magnitude na lindol, na 10 ang namatay at 800 ang nasugatan.
Ayon sa tagapagsalita ng Japanese government na si Yoshihide Suga, may kabuuang 1,500 katao ang nasugatan, at 80 sa mga ito ay kritikal, sa magkasunod na lindol.
Hindi binanggit ni Suga ang eksaktong bilang ng mga namatay, ngunit ayon sa mga opisyal—batay sa pahayag kahapon ng tanghali—ay nasa 29 na ito, at posible pa umanong madagdagan.
Ayon pa kay Suga, nasa 20,000 naang military rescuer. Inatasan na rin ang mga pulis at bombero na tumulong sa operasyon.
Sa isang televised news conference, nanawagan si Suga sa mga tao na huwag mataranta at tulungan ang bawat isa.
Makikita sa isang TV news footage ang mga gumuho at nayuping bahay, at ayon sa mga residente, maraming tao ang naipit sa loob ng mga gusali.
Nagbigay ng preliminary reading ang Japan Meteorological Agency sa magnitude-7.3 na tumama kahapon ng madaling araw.
Pinangangambahan ang aftershock sa iba’t ibang bahagi ng Kyushu, isa sa mga pangunahing isla sa Japan.
Samantala, iniulat din ng media ang pagsabog ng Mount Aso, ang pinakamalaking aktibong bulkan sa Japan na nasa Kyushu rin, ang lugar ng magkasunod na pagyanig. Ito ang unang beses na sumabog ang nabanggit na bulkan sa loob ng isang buwan.
Tumaas ang usok sa 100 metro (328 talampakan) sa hangin, ngunit wala namang naiulat na pinsala.
Hindi pa malinaw kung may kaugnayan ang pagsabog ng bulkan sa magkasunod na lindol.