Naungusan na ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) Bilang Pilipino mobile survey sa mga vice presidential candidate, na kinomisyon ng TV5 network.

Ayon sa resulta ng SWS Bilang Pilipino survey na isinagawa nitong Abril 13-14 sa iba’t ibang bahagi ng bansa, umangat ng limang puntos si Robredo, pambato ng Liberal Party, na pumalo sa 30 porsiyento ang nakuha mula sa 25%. Habang isang puntos lang ang iniangat ni Marcos na ngayo’y nasa 27%.

Sinabi ng SWS na maituturing pa rin na “statistical tie” sina Robredo at Marcos, base sa +/-4 margin of error sa survey.

Lumitaw din sa survey na pumangatlo si Sen. Francis “Chiz” Escudero, na natapyasan ng anim na puntos, 25% mula sa 31%.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sa hanay ng mga kandidato sa pagka-bise presidente, sinabi ng ilang political observer na si Robredo lang ang consistent ang pagtaas sa rating, habang ang kanyang mga katunggali ay taas-baba ang posisyon sa mga nakaraang survey.

Nasa ikaapat na posisyon pa rin ang katambal ni presidential front runner Davao City Mayor Rodrigo Duterte na si Sen. Alan Peter Cayetano, na nakakuha ng 13%, kasunod ang independent na si Sen. Antonio Trillanes IV, 3%; at si Sen. Gregorio Honasan, ng United Nationalist Alliance, isang porsiyento.

Ayon sa SWS, lumitaw din sa survey result na 61% ng mga respondent ang nakapagdesisyon na kung sino ang kanilang mamanukin sa hanay ng mga presidentiable at vice presidentable.

Tinanong din ang mga respondent sa posibilidad na magbago pa ang kanilang desisyon sa pagboto sa hanay ng mga vice presidential candidate at 22% ang nagsabing nakapagdesisyon na sila, 11% ang posibleng magbago pa, at 11% ang bukas pa sa pagpapalit ng kanilang mamanukin.

Anim na porsiyento naman ang nagsabing hindi pa sila makapagdesisyon. (ELLALYN B. DE VERA)