KRIS copy

TITIGILAN na si Kris Aquino ng followers niya sa Instagram sa katatanong kung kailan niya ii-endorse si Mar Roxas. Hindi na rin siya maaakusahang si Leni Robredo lang ang sinusuportahan dahil sa kampanya ng Liberal Party (LP) sa Meycauayan, Bulacan noong Biyernes, sumama na si Kris.

Hiniling niya sa mga tao na iboto ang mga kandidato ng administration ni President Noynoy Aquino.

“Hihingin ko lang po, huwag n’yo pong pabayaan ang kandidato ni PNoy. Sana naman po kung ano ang suporta na ibinigay sa kanya noong 2010 sa 2016 po sana ibigay ninyo kay Mar Roxas at kay Leni Robredo,” panimula ng nangungunang endorser sa bansa.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Binanggit ni Kris na sarili niyang desisyon ang pag-i-endorse sa Daang Matuwid tandem nina Mar at Leni, hindi siya tinanong ni PNoy.

“Noong Lunes po, tsismoso talaga ako, malalaman n’yo na ang kuwentong buhay namin pero ganyan ang buhay talaga.

Nakikitira po kami nina Josh at Bimby kay PNoy. So one day po, nakita ko 12:30 halos madaling araw na siyang nakauwi galing sa Tarlac. Noong Tuesday, gusto niya sana akong makausap, pero ako naman ‘yung maagang umalis dahil nagtrabaho po ako.

“Noong Wednesday naman, dumiretso siya sa Mindanao, nagpunta po ng Zamboanga, nagpunta pa ng CDO at marami pa pong ibang lugar at napaka-late na niyang nakauwi. Thursday po, kahapon, may malaki silang event sa Club Filipino. ‘Tapos pagkatapos nu’n, marami pa siyang ibang inasikaso.

“Kung sumusunod ba kayo sa Instagram ko? ‘Pinost ko po doon na nakatulog si PNoy. Nando’n siya sa kandungan ni Kuya Josh, hawak-hawak ang kamay ni Bimb. This morning, kinausap ko po ang kuya ko, sinabi ko sa kanya, ‘Noong nagsisimula na ng 2010, naasahan mo ako. Halos lahat ng sulok ng Pilipinas pinuntahan ko para sa iyo. Ngayon para ipagpatuloy ang nasimulan mo, asahan mo na lahat ng sulok ng Pilipinas babalikan ko para tulungan si Mar Roxas at si Leni Robredo.

“Ganyan po kami, si Noy hindi po ‘yan hihingi kailanman. Sa akin po nanggaling ito, sa puso ko. Simple lang kung bakit, nanay po ako, ang bunso ko po eight years old. Naniniwala po ako sa May 9 ang kinabukasan ng ating mga anak ang pinakamag-aalaga niyan si Mar Roxas at si Len Robredo.”

Dahil sa pagsali ni Kris sa kampanyahan, puro pasasalamat ang nababasa naming comments sa kanyang IG account. Pati sa iba’t ibang posts sa Facebook pages ng mga grupo ng LP, tuwang-tuwa na sumama na siya sa kampanya. Sa sinabi niya, inaasahang lilibutin niya ang buong bansa para ikampanya ang Daang Matuwid tandem nina Mar at Leni.

(NITZ MIRALLES)