ANG tahanan ay sinasabing sandigan ng isang mabuting pamilya, angkan at lahi. Dito nag-uugat ang mabuting pagsasamahan. Sa tahanan, nagsusupling ang mabuting pag-uunawaan, pagbibigayan, malasakit at pagmamahalan ng mga nilikhang dito’y namumuhay. Ang mga hamak na dampa, kubo gusali o mala-palasyo at mansiyon na ginastusan ng salapi at yaman ay maituturing na tahanan kung may namumugad na pagkakaisa at pagmamahalan. Maganda at masasabing sing-ganda ng langit kung ang mga nakatira’y may bukas na puso, mababang-loob at marunong duminig sa mga humihingi ng tangkilik, tulong at kalinga. Sa madaling salita, ang tahanan ay ang pugad ng pag-ibig. Dito nakasalalay ang ganda ng isang pangarap at ang maaliwalas na kinabukasan.

Sa mga nabanggit na kalagayan, ang iniibig nating Pilipinas ay hindi naiiba. Ito ang ating tahanan. Ang tahanan ng aking lahi. Ang Diyos na lumikha sa kanya ang maituturing na magulang. May sariling mga anak na nagmamahal.

Nagmamalasakit at nagtatanggol .Sila ang mga anak na bumubuo sa tahanang ito ng aking lahi—ang mga mamamayan.

Kalahi, kakilala, na may iba’t ibang ugali, asal at uri ng pamumuhay. Noong panahon pa ng mga raha, lakan, at datu, larawan ito ng pagkakasundo at pagmamahalan. May pagsasariling kaloob na sa kanya’y lumikha. May sarili ring patakaran, batas at mga alintuntuning sinusunod at ipinatutupad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kung nagkakaroon man ng sigalot at ‘di pagkakaunawaan sa pagitan ng kanyang mga anak, mahinahon itong nilulutas.

Hindi nagiging marahas ang mga hakbang upang ang naaapi’y lalo pang maapi. At ang mahirap ay lalo pang isadlak sa pagdaralita at matinding paghihikahos.

Sa paghahanap-buhay, walang humpay ang kanilang paggawa upang sila’y mabuhay nang payapa at matiwasay. Masunurin sila sa mga batas na pinaiiral ng bawat barangay. Maging sa pangangalakal ay mababakas ang mabuti nilang pag-uugali at kagandahang-asal. Sinusunod ang mga patakarang napagkasunduan sa pakikipagkalakalan. Malaking kahihiyan ang sila’y matuklasang nandaraya sa kanilang negosyo at kalakal.

Sa tahanan ng aking lahi’y sumapit ang panahon na dinalaw ng taga-ibang lupain. Nagkaroon ng mga panauhin na ang layunin ay maghasik ng binhi ng Kristiyanismo at ng pag-ibig sa kapwa. Ang mga nakatira sa tahanan ng aking lahi’y buong lugod silang tinanggap at sinalubong. At makalipas ang ilang panahon, natanim sa kanilang mga puso ang pag-ibig sa Diyos. Nahasik sa kanilang diwa ang binhi ng Kristiyanismo. (Clemen Bautista)