NAGKASUNDO ang ABS-CBN, Manila Bulletin, Commission on Elections (Comelec), at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), at ang mga kinatawan ng limang kandidato sa pagkapangulo nitong nakaraang Huwebes para sa pagdaraos ng nalalapit na PiliPinas 2016 Presidential Town Hall Debate sa Abril 24 (Linggo), ang huling paghaharap at tagisan ng mga naglalayong mamuno sa bansa bago ang eleksyon sa Mayo 9.

Sa pagpirma sa MOA, sina Vice President Jejomar Binay, Sen. Miriam Defensor-Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Sen. Grace Poe, at dating Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ay sumang-ayon sa format at mechanics ng Luzon leg ng PiliPinas 2016 Debate, na gaganapin sa Phinma University of Pangasinan.

Ang mga dumalo para sa pirmahan ay sina ABS-CBN Integrated News and Current Affairs Head Ging Reyes, Manila Bulletin editor-in-chief Dr. Jun Icban, KBP chairman Herman Basbano, at ang mga kumatawan sa mga kandidato na sina Atty. George Garcia para kay Sen. Grace Poe, Atty. Antonio Kho para kay Mayor Rodrigo Duterte, Atty. Abel Manlaque kay Sen. Miriam Defensor-Santiago, Atty. Jay Layug kay Vice President Jejomar Binay, at Atty. Concepcion Mendoza para naman kay dating DILG Secretary Mar Roxas.

Sa pamamagitan ng isang town hall format, nilalayon ng debate na mailapit ang tunay na mga sentimiento ng mga tao sa pamamagitan ng pagtatanong mismo ng mga ordinaryong tao sa mga kandidato tungkol sa maiinit na isyu ngayon. Ang mga paksa ay piling-pili mula sa mga naisumite ng publiko sa ABS-CBN.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Ang ilan sa mga paksang tatalakayin ay ang problema sa trapiko at pampublikong transportasyon, seguridad sa trabaho, kalusugan, foreign policy, mga importanteng isyu tungkol sa mga OFW, basic public education, at kapayapaan sa Mindanao. Magkakaroon din ng “Face-Off” na ang magtatanong ang isang kandidato sa kanyang katunggali.

Pangungunahan ng batikang news anchors ng ABS-CBN na sina Karen Davila at Tony Velasquez ang naturang debate.

Ang PiliPinas 2016 Presidential Town Hall Debate ay mapapanood sa Abril 24, Linggo, 5:45 PM sa ABS-CBN. Magsisimula ang mismong debate pag-patak ng 6 PM. Magkakaroon din ng Halalan 2016 Debate Special sa ANC, the ABS-CBN News Channel, DZMM/Teleradyo, at News.abs-cbn.com simula 5pm na magbibigay ng mga analysis bago magsimula at pagkatapos ng debate.

Ang mga manonood naman ng debate sa pamamagitan ng livestream sa news.abs-cbn.com ay magkakaroon din ng karagdagang sorpresa kasama ang online show host na si TJ Manotoc habang may commercial ang debate na tatalakayin naman ang mga reaksiyon sa social media tungkol sa town hall debate.