Bumagsak sa kamay ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division ang tatlong banyaga na gumamit ng limang ninakaw na credit card sa pagbabayad sa kanilang hotel bill.
Nadakip sina Simon Vance, mula sa Ghana; Frank Drakopoulos, at Paul Hodges, kapwa Australian, sa Best Western Plus Antel Hotel sa Salamance Street, Makati City, nitong Miyerkules.
Nabawi sa mga suspek ang 10 credit card, walong cell phone at dalawang laptop computer.
Naaresto ang tatlo matapos makatanggap ng impormasyon ang NBI Cybercrime Division mula sa fraud management unit ng isang bangko tungkol sa kahina-hinalang online credit card transaction gamit ang limang credit card na ginawa mula Pebrero 16 hanggang Marso 26.
Aabot sa P300,000 ang ibinayad gamit ang mga credit card, at P117,300 ang inilaan ng mga suspek sa kanilang hotel bill.
Ayon kay Atty. Ronald Aguto, hepe ng NBI Cybercrime Division, nakapagtransaksiyon ang tatlong dayuhan gamit ang Card Verification Value (CCV) code o ang tatlong huling numero ng mga credit card. (Argyll Cyrus B. Geducos)