CEBU CITY – Pagkatapos na ng eleksiyon sa Mayo 9 ipatutupad ang suspensiyon kay Cebu City Mayor Michael Rama at sa 13 miyembro ng City Council, batay sa napagdesisyunan ng Commission on Elections (Comelec).

Nagpasya ang Comelec na ipagpaliban ang pagpapatupad sa suspension order ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa mga opisyal ng lungsod, sa pangunguna ni Rama.

Nangangamba naman ang mga opisyal ng pamahalaang lungsod sa posibilidad na magkaroon ng krisis sa Cebu City Hall matapos suspendihin ng Office of the President sina Rama, Vice Mayor Edgardo Labella, at ang 12 City Councilor.

Napatunayang nagkasala ang 14 na opisyal sa grave abuse of authority kaugnay ng kontrobersiyal na paglalabas ng P20,000 calamity aid sa lahat ng kawani ng City Hall noong 2013.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kasunod nito, hiniling ng DILG ang exemption sa polisiya ng Comelec na nagbabawal sa pagsuspinde sa mga halal na opisyal sa buong election period (Enero 10-Hunyo 8).

“We deferred action on the request... We will not be issuing any exemption from the non-suspension order rule before May 9. Status quo should as much as possible be preserved before the elections to avoid allegations of political partisanship,” sabi ni Comelec Chairman Andres Bautista. (Mars W. Mosqueda, Jr.)