NANG unang umuwi sa Pilipinas si Pia Wurtzbach noong January, nabanggit niya na si Liza Soberano ang nakikitaan niya ng potensiyal na sumunod sa mga yapak niya bilang Miss Universe.
“When I was asked at that time it was very quick. On the top of my head is commercial beauty na papasang Pilipina pa rin, siya ang naisip ko,” ani Pia sa roundtable interview sa kanyang muling pagbabalik para dumalo sa Binibining Pilipinas finals na isasagawa bukas.
Gandang-ganda si Pia sa katutuntong lang sa disiotso anyos na si Liza, “maganda talaga,” at idinugtong na kailangan itong i-train (gaya niya) kung nais nitong maging beauty queen.
“She’s young, she can still train as a beauty queen.”
Sa mga nakaraang interview kay Liza, nagpahayag ito na wala pa siyang planong sumali sa mga beauty pageant. Subalit isang karangalan aniya para sa kanya na mismong si Pia ang nagsabi na may potensiyal siyang maging beauty queen.
“There could be many other celebrities that can be a Miss Universe,” sabi pa ni Pia. “Why not? Baka nga lang kailangan na nilang i-give up ang mga careers nila dito. ‘Yun nga lang sikat na sila.”
Simula nang magbida sa top-rated na Forevermore ng ABS-CBN katambal si Enrique Gil, isa si Liza Soberano sa pinakasikat na young stars sa Pilipinas ngayon. Box office hit din ang mga pelikula nilang Just The Way You Are at Everyday I Love You at namamayagpag uli sa primetime ratings ang kanilang Dolce Amore.
Very special ang presence ni Pia sa Bb. Pilipinas coronation night sa Araneta Coliseum bukas, para ipasa ang kanyang Bb. Pilipinas crown sa mapalad na contestant.
Bilang isa sa judges, sa pre-pageant pa lamang ay may ilang kandidata na may “K” na siyang napupusuan.
“I also noticed na ang dami ko nang kamukha and ang dami nang gumagawa nu’ng lingon ko, ah. (There’s) nothing wrong with that. It’s very good. It’s interesting to see when I used to do it in my living room and now everybody’s doing it onstage. So funny,” aniya.
Kahit sunud-sunod ang iniuuwing korona ng ating Pinay beauty queens all over the world, sinabi ni Pia na kailangan pa ring mag-train lalo na sa pagsagot sa mga katanungan sa Q and A portion.
“I’m excited to see the question and answer kasi ang question and answer ng Miss Universe ngayon dalawang beses na.
And they might even change that kasi alam na natin ang formula ngayon,” sey ng ating Miss U.
Ipinahayag din ni Pia na hangad ng pamunuan ng Miss Universe na ganapin sa Pilipinas ang susunod na Miss U pageant.
(ADOR SALUTA)