IPINAGDIRIWANG ngayon ni Kanyang Kamahalan, Queen Margrethe II ng Denmark, ang ikalawang pinakamatagal na naluluklok na monarkiya at ikatlong pinakamatanda sa Europe, ang kanyang ika-76 na anibersaryo ng kapanganakan. Isinilang noong 1940 sa Amalienborg Palace sa Copenhagen, si Margrethe Alexandrine Porhildur Ingrid ang panganay ng noon ay Crown Prince at Princess ng Denmark na noong 1947 ay naging King Frederick IX at Queen Ingrid. Isinilang siya sa panahong kasasakop lamang ng Nazi Germany sa Denmark at walang karapatan ang kababaihan na magmana ng trono. Makalipas ang maraming taon, ang Act of Succession ng Marso 27, 1953, ay nagkaloob sa kababaihan ng karapatan sa pagmamana ng tronong Danish. Makaraang pumanaw ang kanyang ama noong Enero 14, 1972, siya ang humalili rito sa trono.

Ipinagdiwang niya ang ika-44 na anibersaryo bilang reyna sa unang bahagi ng taong ito.

Ang kaarawan ni Queen Margrethe II ay ipinagdiriwang bilang Pambansang Araw ng Denmark. Ngayong taon, magiging punong abala sa pagtitipon ang Royal Danish Guards Association, ang Northwest Danish Association, ang Danish Program ng Department of Scandinavian Studies sa University of Washington, ang Danish Club, ang Danish Brotherhood Lodge #29, at ang Danish Sisterhood sa Seattle Danish Center sa Abril 20, 2016, na dalawang kasapi ng Danish Royal guards Drum Corps ang magtatanghal.

Kinikilala bilang unang reyna ng Denmark matapos ang tuluy-tuloy na pamumuno ng 50 hari simula kay King Harald, na nagtatag ng Kingdom of Denmark noong ikasampung siglo, si Queen Margrethe ang pinakamataas na awtoridad ng Church of Denmark at commander-in-chief ng puwersa ng depensang Danish. Nag-aral ang Danish Queen sa limang unibersidad, kabilang ang Cambridge. Mahusay siya sa sining, isang magaling na tagapagsalin, costume designer, at pintor. Ang kanyang mga obra, sa ilalim ng pseudonym na Ingahild Grathmer, ay bahagi ng 1977 edition ng Lord of the Rings ni JRR Tolkien.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Masigla ang ugnayan ng Pilipinas at Denmark simula noong 1946. Libu-libong Pilipino ang nagtatrabaho sa mga barkong Danish bilang au pairs (mga domestic assistant na naglilingkod bilang bahagi ng isang host family) o kaya naman ay nasa industriya ng serbisyo. Ang ugnayang bilateral at diplomatiko, gayundin ang kalakalan at palitan ng kultura ng Pilipinas at ng Kingdom of Denmark ay pinatatag ng muling pagbubukas ng Embahada ng Denmark sa Pilipinas noong Enero 22, 2015. Posibleng magtulungan ang dalawang bansa para sa isang free-trade agreement kaugnay ng pagsasama-sama ng mga ekonomiyang ASEAN, at inspirasyon ng Pilipinas ang mga aral ng kaunlarang pang-ekonomiya ng Denmark na nakabatay sa malayang kalakalan at exports, sa layuning lumikha ng mas maraming trabaho upang maramdaman ng lahat ang kaunlaran.

Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Denmark, sa pangunguna nina Queen Margrethe II at Prime Minister Lars Lokke Rasmussen, sa pagdiriwang ng ika-56 na kaarawan ng Reyna.