LeBron James, Stephen Curry

NBA playoff, magtatampok sa katatagan.

LOS ANGELES (AP) – Ipinagdiwang ng NBA ang huling hirit ni Kobe Bryant, gayundin ang bagong marka na naitala ng Golden State Warriors.

Hindi pa nawawala ang “hang over” ng kasiyahan. Ngunit, simula sa Linggo (Lunes sa Manila), balik sa seryoso ang tema, higit para sa 16 na koponan na nakalusot matapos ang nakapanlalatang kampanya sa regular-season.

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Simula na nang playoff.

Sisimulan ng Warriors ang pagdepensa sa korona laban sa No. 8 seed sa Western Conference na Houston Rockets, nakahabol sa huling pagkakataon nang gapiin ang Sacramento Kings, 116-81.

Nakuha sana ng Utah Jazz ang huling upuan sa West playoff kung nasupil nila si Bryant at ang Lakers. Pagkakataon na nagbigay naman ng ayuda sa Rockets para maikasa ang rematch ng playoff.

Narito ang payak na impormasyon para maikumpara ang magkaribal na koponan sa playoff.

(WESTERN CONFERENCE)

No. 1 GOLDEN STATE (73-9) vs No. 8 HOUSTON (41-41)

Nakakuha ng pagkakataon ang Houston na makabawi sa Golden State, gumapi sa kanila sa Western Conference finals.

Masalimuot ang kampanya ng Rockets sa nakalipas na regular season, dahilan para masibak si coach Kevin McHale.

Nakabalikwas ang Rockets at nagawang maipanalo ang huling tatlong laro para makasabit sa No.8.

“We ... sat here at the beginning of the year thinking the playoffs wouldn’t have been this big of a struggle, so we had expectations of making the playoffs,” sambit ni Rockets coach J.B. Bickerstaff.

No. 2 SAN ANTONIO (67-15) vs No. 7 MEMPHIS (42-40)

Matikas ang Grizzlies na malaki ang tsansa para sa No.5, ngunit tinamaan ng injury ang starter nilang sina Marc Gasol at Mike Conley, sapat para bumulusok sa four-game losing streak sa pagtatapos ng season.

Laban sa Spurs, umaasa ang Grizzlies na makahirit tulad ng kaganapan sa kanilang playoff may limang taon na ang nakalilipas nang silatin ng Memphis ang noo’y No.1 seed na Spurs sa opening game.

No. 3 OKLAHOMA CITY (55-27) vs. No. 6 DALLAS (42-40)

Hindi rin naging madali para sa Mavericks na makalusot sa playoff, ngunit anuman ang kanilang kinalagyan, para kay star forward Dirk Nowitzki, kailangang nilang magtrabaho ng todo.

“All of the teams up there are incredibly good,” sambit ni Nowitzki. “It’s going to be an uphill battle whoever we face. But we’re going to sure try, battle like we did the last few weeks and see what happens.”

No. 4 LOS ANGELES CLIPPERS (53-29) vs. No. 5 PORTLAND (44-38)

Inaasahang maaksiyon at puno ng intensidad ang duwelo ng dalawang koponan na kapwa nakagawa ng matikas na winning streak para mapatibay ang kampanya sa playoff.

(EASTERN CONFERENCE)

No. 1 CLEVELAND (57-25) vs. No. 8 DETROIT (44-38)

Liyamado ang Cavaliers, ngunit kung makasilat ang Pistons, tuluyang bababa ang star value ni Lebron James na isa sa inaasahang papalit sa posisyon na iniwanan ni Kobe Bryant.

No. 2 TORONTO (56-26) vs. No. 7 INDIANA (45-37)

Tangan ng Raptors ang 3-1 bentahe sa kanilang head up duel sa regular season, ngunit hindi dapat magpakasiguro, higit at itinuturing ni Toronto coach Dwane Casey si Monta Ellis na “human scoring machine.”

“So we have our work cut for us,” sambit ni Casey. “I think it’ll be an exciting series from both sides. I think we’re prepared, they’re prepared, so it’s going to be an exciting series.”

No. 3 MIAMI (48-34) vs. No. 6 CHARLOTTE (48-34)

Masaklap ang resulta ng huling laro ng Heat nang mabitiwan ang 26 na puntos na bentahe at matalo sa Boston , 98-88.

Hindi man naapektuhan ang kanilang katayuan sa playoff, malaking dagok ito sa mentalidad at diskarte ng mga player.

“Everything works in mysterious ways,” pahayag ni Dwyane Wade.

No. 4 ATLANTA (48-34) vs. No. 5 BOSTON (48-34)

Kabilang ang Hawks sa mga koponan na nasadsad sa huling linggo ng regular season matapos matalo sa kanilang huling dalawang laro. Ngunit, ang kabiguang masungkit ang No.3 spot ay naisantabi na para makasabay sa karibal na isa sa pinakamainit na koponan sa pagtatapos ng season.