Isinara ng gobyerno ng Malaysia ang Sabah border nito sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) bilang protesta sa pagdukot kamakailan sa mga Malaysian national ng Abu Sayyaf Group na kumikilos sa dagat sa pagitan ng Sabah at sa mga island provinces ng ARMM sa katimogan ng Pilipinas.
Sinabi ng abogadong si Laisa Alamia, ARMM executive secretary, na ipinatupad ng mga awtoridad ng Malaysia ang blockade simula nitong nakaraang linggo sa Tawi-tawi, ang bahagi ng ARMM na pinakamalapit sa Sabah, na nagpatigil sa ilang siglo nang barter trading activity sa pagitan ng Malaysia at Pilipinas.
“The ASG kidnapping activity is now a national issue that is why (ARMM) Governor Mujiv Hataman is currently in Manila talking to Malacañang about this,” sinabi niya sa mga mamamahayag noong Huwebes sa press briefing kaugnay sa mga update sa rehiyon.
Noong Abril 2, dinukot ng mga armadong ASG na nakasakay sa mga speedboat ang apat na Malaysian mula sa isang barko sa silangan ng Sabah at dinala ang mga ito sa Pilipinas.
Mariing kinondena ng Malaysia ang pagdukot, na nagtulak dito para isara ang hangganan sa ARMM hanggang sa hindi pa mabatid na panahon.
“The nagging security problem in the region’s island-provinces remain foremost in the agenda of the government’s peace efforts in the south,” giit ni Alamia.
Sinabi niya na nagpapatuloy ang mga negosasyon sa pagitan ng ARMM at gobyerno ng Malaysia upang muling buksan ang Sabah sa Tawi-tawi at magpatuloy ang nakagawian nang barter trade sa rehiyon. (PNA)