ANG tagtuyot na sumira sa pananim ng mga magsasaka sa North Cotabato, na nauwi sa paglulunsad nila ng kilos-protesta na binuwag ng awtoridad sa unang araw ng buwang ito, ay isang problema na nakaaapekto rin sa ating mga kalapit-bansa sa Timog-Silangang Asya.
Natutuyo ang mga taniman sa bahagi nating ito ng mundo dahil sa El Niño, at ang pag-iinit ng karagatan sa gitnang Pasipiko ay nagpapabago sa klima, kaya habang binabayo ng malalakas na bagyo ang ilang lugar, matindi naman ang tagtuyot sa iba pa. Dahil sa El Niño ngayong taon, natuyot ang malawak na bahagi ng Australia, Indonesia, at Pilipinas. At ngayon, may mga ulat na rin ng tagtuyot sa Vietnam, na kanluran ng Pilipinas sa bahagi ng South China Sea.
Noong huling bahagi ng 2015, ayon sa United Nations Disaster Risk Management Team, umabot sa pinakamababa ang antas ng tubig sa Mekong River simula noong 2007. Ang Mekong Delta ang sentro ng lugar sa Vietnam na pangunahing tinataniman ng palay at malaki ang naging epekto ng tagtuyot sa produksiyon ng bigas ng Vietnam ngayong taon. Sa unang pagkakataon sa nakalipas na mga taon, limitado ang supply ng bigas sa Vietnam at tiyak na maaapektuhan ang kakayahan nitong mag-export ng bigas sa mga bansang gaya ng Pilipinas. Ang apat na iba pang pangunahing rice exporter—ang Thailand, India, Pakistan, at United States—ay pawang nag-ulat din ng mas kakaunting produksiyon.
Dahil matindi ang tagtuyot sa sarili nating mga sakahan, napaulat na plano ng Pilipinas na mag-angkat ng 500,000 metriko tonelada ng bigas bukod pa sa 500,000 tonelada na nakontrata na ng ating bansa. Ngunit dahil sa sitwasyon ngayon sa Vietnam, posibleng hindi ito makatupad sa pagkakaloob ng sobra sa supply nito.
Tunay na isang malaking problema ito para sa ating mga opisyal na nangangasiwa sa pagmamantine ng imbak nating pagkain. Muling iginiit ng Philippine Network of Food Security Programmes ang panawagan nito sa Pilipinas na mamuhunan sa irigasyon upang makakaya ng mga magsasakang Pinoy na makapag-ani ng bigas na higit pa sa kailangan ng bansa, sa halip na ang umiiral na pagdepende natin sa inaangkat mula sa Vietnam at Thailand.
Matagal nang hinahangad ng gobyerno ang pagkakaroon ng kasapatan sa bigas, ngunit magtatapos na ang administrasyong Aquino nang hindi naisasakatuparan ang layuning ito. Malaking bahagi ng problema ang kulang na irigasyon, ngunit maaaring makatulong ang mga non-government organization sa pamumuhunan ng P300,000 hanggang P400,000 sa mga sakahan na maaaring mag-supply sa pangangailangan ng may 200 tahanan, ayon sa Philippine Network.
Umaasa pa rin ang gobyerno na magiging sapat ang supply ng bigas sa bansa ngayong taon, sa kabila ng matinding tagtuyot dito at sa iba pang bansang nag-aani ng palay. Ngunit dapat na para maresolba ang problemang ito ay itodo ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang pagsisikap sa mga susunod na buwan upang tutukan ang produksiyon ng bigas sa Pilipinas para sa pansarili nating seguridad sa pagkain—at maiwasan ang mga insidente gaya ng nangyari sa North Cotabato.