KUMAMOTO, Japan (AP) — Siyam na katao ang namatay at mahigit 800 ang nasaktan sa pagtama ng magnitude 6.5 na lindol na nagpabagsak sa maraming bahay at sumira sa mga kalsada sa katimogan ng Japan, ayon sa tagapagsalita ng gobyerno kahapon.
Sinabi ni Yoshihide Suga na bibisitahin niya ang lugar, may 1,300 kilometro ang layo mula sa timog kanluran ng Tokyo, upang alamin ang lawak ng pinsala.
Tumama ang lindol dakong 9:26 ng gabi nitong Huwebes sa lalim na 11 kilometro, malapit sa Kumamoto city sa isla ng Kyushu, ayon sa Japan Meteorological Agency.
Sinundan ito ng malalakas na aftershock kinabukasan ng Biyernes ngunit walang itinaas na tsunami alert. May 44,000 katao ang lumikas sa mga shelter sa kadiliman ng gabi. Marami ang bumalik sa kanilang mga tahanan kinaumagahan.
Pinakamatinding tinamaan ang bayan ng Mashiki, may 15 kilometro mula sa silangan ng Kumamoto city. Walo sa siyam na namatay ay nagmula sa nasabing bayan. Karamihan sa kanila ay matatanda.
Sinusuyod ng rescue workers ang mga guho upang matiyak na walang naipit na mga tao. Subalit hindi pa itinotodo ang paglilinis dahil sa mga pangamba ng aftershock.
Sinabi ni Prime Minister Shinzo Abe sa mga mamamahayag na nais ng gobyerno na maiwasan ang anumang secondary disasters mula sa mga aftershock.