Kulungan ang bagsak ng isang 70-anyos na lalaki makaraang mag-amok gamit ang itak sa harapan ng isang karinderya sa Muntinlupa City, nitong Huwebes ng hapon.

Nakapiit sa detention cell ng Muntinlupa City Police si Eriberto Macahilo, dating chief mechanic at nakatira sa 406 Building 4, Filinvest Housing, Alabang.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), dakong 5:45 ng hapon nang mangyari ang insidente sa harap ng Mang Armin Carinderia na matatagpuan sa Building 3, Filinvest Housing.

Isang customer ang nagtungo sa karinderya upang bumili ng pagkain nang biglang sumulpot ang suspek at nagbantang papatayin ang una bago bumunot ng itak na nakasukbit sa kanyang beywang.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Tinangka naman ni Entoy Argana na awatin ang suspek subalit patuloy sa pagwawala si Macahilo hanggang sa maabutan siya ng mga rumespondeng pulis na sina PO1 Benjamin Filache at PO1 Edlem Nanaga ng Police Community Precinct 3.

Nakumpiska sa suspek ang itak at isa pang improvised knife.

Nahaharap ang suspek sa kasong threat at two counts of illegal possession of deadly weapon na may kaugnayan sa Omnibus Election Code sa Muntinlupa Prosecutor’s Office. (Bella Gamotea)