KINIKILALA ko ang bawat paglabag sa karapatang pantao sa bawat administrasyon,” wika ni Sen. Bongbong Marcos. “Kapag hindi natin ginawa ito, uulitin natin ang pagkakamali ng nakaraan,” dagdag niya. Ito ang naging pahayag ng Senador bilang sagot sa isyu ng human rights violations na tinalakay nila ng kanyang mga katunggali sa panguluhan nitong nakaraang debate. Kaya raw sa loob ng 27 taong paninilbihan niya sa gobyerno, hindi siya pinagsuspetsahang may nilabag na karapatang pantao. Iginalang niya, aniya, ang anumang desisyon ng mga korte sa mga kaso namin ukol sa nakaw na yaman.

Pero ayon naman kay Kongresista Leni Robredo, ayaw umano sumunod ng pamilya Marcos sa ipinag-uutos ng korte ng Singapore at Amerika. Nagbaba ng desisyon ang mga korteng ito laban sa mga Marcos na ipinasasauli sa kanila ang ninakaw nilang salapi sa bansa. Iginiit ni Robredo na dapat ibalik nila ito. “Pero, ano ang isasauli naming?” sagot ni Marcos. “Hindi namin kayang ibigay ang wala sa amin.” Sa nakaw na yamang napagpasiyahan na ng dalawang korte, ang gobyernong pinamumunuan ng Liberal Party (LP), ayon kay Marcos, ang sagabal sa paglalabas ng mga ito. Nakikiagaw daw ang gobyerno sa salaping iginawad ng mga korte lalo na sa mga human rights victim. Dapat umanong i-withdraw ng gobyerno ang pag-aankin niya dito upang maibahagi na ito sa mga biktima.

Iba naman ang sinasabi ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na nilikha ni dating Pangulong Cory pagkaupo niya para bawiin ang mga ninakaw na yaman ng bansa. Ayon sa dating pinuno ng PCGG, kaya nauudlot ang paglipat ng nakaw na yaman ng mga Marcos na kinukumpiska ng mga korte ay dahil na rin sa kanilang taktika. May mga dahilan na ibinigay sa mga korte upang mapigil ang pagpapatupad sa kanilang mga desisyon. Katunayan nga, ayon sa PCGG, inapela nila ang kapasiyahang nakuha ng mga Marcos sa kaso laban sa kanila sa Amerika sa Federal Courts of Appeals.

Ngayon pa lang, nakikita na natin ang mangyayari kapag nanalo si Sen. Bongbong. Kung ngayon pa lang na wala pala sila sa ganap na kapangyarihan ay napipigil na ang katuparan ng mga desisyong nakuha ng ating gobyerno para sa kanyang mamamayan laban sa kanyang pamilya, paano pa kung mahalal siya bilang pangalawang pangulo? Marami pang mga kasong nakabimbin laban sa kanila na ang hangarin ay bawiin sa kanila ang nakaw na yaman. Sa palagay kaya ninyo magtatagumpay pa tayong mabawi ang kayamanang ninakaw sa ating bansa kung ito ay pamumunuan na ng taong kadugo niya mismo ang hinahabol sa layuning ito? Kapag ibinoto ninyo si Sen. Marcos, para kayong kumuha ng bato at ipinalo ninyo sa sarili niyong ulo. (Ric Valmonte)

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika