Hiniling ng sinibak na Laguna governor na si Emilio Ramon “ER” Ejercito sa Sandiganbayan na ipagpaliban ang arraignment niya sa kinakaharap na kasong graft kaugnay ng umano’y maanomalyang insurance deal para sa mga turistang pumupunta sa Pagsanjan Gorge noong 2008.
Idinahilan ni Ejercito sa Sandiganbayan Fourth Division ang nakabimbin pang resolusyon ng Korte Suprema sa iniharap niyang petition for certiorari.
Matatandaang nagsumite si Ejercito ng affidavit of desistance sa hukuman na inihanda ng mga private complainant, ang United Boatmen Association of Pagsanjain, bago pa man makitaan ng Office of the Ombudsman ng probable cause ang kaso.
“Accused respectfully submits that these statements, coming from the private complainants themselves, cast serious doubt on the finding of probable cause,” pagdidiin ni Ejercito.
Iginiit ni Ejercito sa korte na kanselahin ang arraignment nito at bigyang-pansin ang affidavit of desistance ng mga private complainant bilang batayan sa pagbasura sa kaso nito.
“Ejercito was charged before the Sandiganbayan with graft for entering into an allegedly anomalous insurance deal for tourists plying the Pagsanjan Gorge when he was Pagsanjan mayor in 2008,” ayon sa record ng kaso.
Paliwanag naman ng Ombudsman, pumasok sa nasabing kasunduan si Ejercito sa First Rapids Care Ventures (FRCV) kahit walang public bidding at wala rin umano itong lisensiya mula sa Insurance Commission. (Rommel P. Tabbad)