Naghain kahapon ng mosyon sa Sandiganbayan si dating Metro Rail Transit (MRT) General Manager Al Vitangcol III upang hilingin sa hukuman na maglabas ng “gag order” laban kay Liberal Party standard bearer Mar Roxas para matigil na ang pagbato umano nito ng akusasyon laban sa kanya kaugnay ng MRT Line 3 maintenance deal.

Sa 4-pahinang mosyon nito sa Third Division, iginiit ni Vitangcol, sa pamamagitan ng kanyang abogado, na “dapat nang matigil si Roxas sa paggamit sa isyu sa nalalapit na ikatlong presidential debate na inisponsoran ng Commission on Elections (Comelec).”

“The third and final presidential debate will be on April 24, 2016. It is feared that Mar Roxas II will again accuse Vitangcol of wrongdoing. Besides, this case is subjudice in nature,” ani Vitangcol.

Tinukoy ni Vitangcol ang nakalipas na debate noong Marso 20 sa Cebu City nang banggitin ni Roxas ang usapin na nakakaapekto umano sa kinakaharap niyang kasong katiwalian sa Sandiganbayan.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Matatandaang binatikos ni Vice President Jejomar Binay si Roxas sa pagkakadawit nito sa usapin ng MRT 3 maintenance deal.

“Mr. Roxas, itinuturo ka ni Mr. Vitangcol. Nagnakaw ka doon sa MRT, ano ba?” untag ni Binay kay Roxas sa ikalawang presidential debate.

“Wala pong kinalaman si Mar Roxas sa kahit anong katiwalian na naganap dyan sa MRT na ‘yan. Ang importante ay malaman natin ang katotohanan na si Mr. Vitangcol ay natanggal sa puwesto dahil tiyo niya ang kabahagi ng mga nag-bid dyan sa mga kontrata habang siya ay nanungkulan sa MRT,” depensa naman ni Roxas. (ROMMEL P. TABBAD)