MULING magtatapatan ang vice presidential candidates sa Harapan ng Bise debate ng ABS-CBN na naglalayong tulungan ang mga botante sa pagpili ng kandidatong sa tingin nila ay magsusulong ng kapakanan ng pamilyang Pilipino.

Magtutunggali sina Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Chiz Escudero, Camarines Sur 3rd District Rep. Leni Robredo, at Sen. Antonio Trillanes IV sa nasabing debate para ihayag ang kanilang mga plataporma at paninindigan sa mga pinakamahalagang isyu sa bansa. Inimbitahan din sina Sen. Gringo Honasan at Sen. Bongbong Marcos ngunit tumanggi silang sumali sa debate dahil sa kanilang schedule.

Ang debate ay pangungunahan ng moderators at batikang mamamahayag na sina Alvin Elchico at Lynda Jumilla at eere nang live sa ANC, DZMM TeleRadyo, The Filipino Channel, at sa ABS-CBNnews.com sa pamamagitan ng live streaming.

Sa Harapan ng Bise, dadaan sa sari-saring rounds ang vice presidential candidates upang ipahayag ang kanilang tugon sa pinakamabibigat na suliranin sa bansa base sa isang Pulse Asia survey, gisahin ang isa’t isa, at sagutin ang mga tanong ng panelists na kinabibilangan ng batikang broadcast journalist na si Tina Monzon-Palma at political analysts na sina Edna Co at Julio Teehankee.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga manonood na magbato ng kanilang mga katanungan sa mga kandidato sa pamamagitan ng social media correspondent na si Gretchen Ho.

Ang Harapan ng Bise: The ABS-CBN Vice Presidential Debate ay bahagi ng kampanyang “Ipanalo Ang Pamilyang Pilipino” ng ABS-CBN na humihikayat sa publiko para gamitin ang kanilang boto para sa kinabukasan ng kanilang mga pamilya.

Sa pamamagitan ng debate, hangad ng ABS-CBN na magbigay ng sapat na kaalaman ukol sa mga kandidato upang tulungan ang mga Pilipinong pumili ng mga karapat-dapat na lider sa bansa. Gaya sa nakaraang “Halalan” campaigns, nag-organisa ang network ng mga forum at “Harapan” debates para sa presidential, vice presidential, at senatorial candidates. 

Ngayong taon, nauna nang kinilatis sa ANC ang senatorial candidates sa Headstart With Karen Davila at iba’t ibang party-list organizations naman sa Beyond Politics With Lynda Jumilla. Samantala, DZMM din ang unang nakakumpleto ng mga panayam sa mga kandidato sa pagka-pangulo, bise pangulo, at senador sa pamamagitan ng “Ikaw na Ba ang Para sa Pamilyang Pilipino” interview series kasama naman sina Karen, Vic de Leon-Lima, Gerry Baja, at Anthony Taberna.

Huwag palampasin ang Harapan ng Bise: The ABS-CBN Vice Presidential Debate ngayong Linggo, 5:30PM sa ABS-CBN o ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Mapapanood din ito sa ANC (SKyCable channel 27), DZMM TeleRadyo (SkyCable channel 26,) The Filipino Channel sa cable, satellite, IPTV, at TFC.tv sa lahat ng rehiyon, at sa ABS-CBNnews.com.