DAVAO CITY – Nagmistulang gawi na ng buhay ang limang-oras na rotating brownout sa siyudad na ito, at hindi lang matinding init dahil sa kawalan ng kuryente ang dinaranas ng mga residente kundi maging matinding tagtuyot.
Napaulat na maraming negosyo na ang nalulugi dahil sa arawang brownout, habang taimtim namang nananalangin ang mga magsasaka upang bumuhos ang ulan sa bitak-bitak nilang sakahan.
Ayon sa business leader na si Ms. Joji Ilagan Bian, tinatayang P408 milyon ang nalulugi sa Davao City dahil sa brownout matapos na mag-emergency shutdown ang Therma South Inc. (TSI) coal plant dalawang linggo na ang nakalilipas, habang kakaunti naman ang nalilikhang kuryente ng Agus at Pulangi hydroelectric complex, dahil sa matagal nang tagtuyot.
Kasabay nito, tinaya ni OIC City Agriculturist Celio Tabay sa P20 milyon ang pinsala sa taunang tanim gaya ng bigas, mais, at gulay sa lungsod.
Ayon kay Tabay, nakikipagtulungan na ang kanilang tanggapan sa Department of Agriculture kaugnay ng cloud seeding at inihahanda na ang agarang ayuda sa mga apektadong magsasaka.
Samantala, sinabi ni Davao Light and Power Company (DLPC) Executive Vice President at COO Arturo Milan na magiging maayos na ang sitwasyon kapag nakumpuni na ang TSI, na inaasahang matatapos sa Abril 21. (JONATHAN A. SANTES)