ISINUONG sa panganib ang kanyang buhay. Mistulang sumanib sa sindikato at sa mismong mga sugapa sa ipinagbabawal na gamot para lamang tuklasin ang nakakikilabot na operasyon na lumalason sa lipunan.

Ilan lamang ito sa matagumpay na pakikipagsapalaran ni Rodolfo T. Reyes sa larangan ng pamamahayag. Bukod dito, siya ay isa ring natatangi at iginagalang na reporter, editor, publisher at pinuno ng iba’t ibang media outfit. Sayang, at tulad ng isinasaad sa isang text message, ‘Former Press Secretary Rodolfo T. Reyes finally went home to be with the Lord.’ Sumakabilang-buhay siya kamakalawa ng sgabi.

Hindi mabilang ang mga karangalang natamo ni Rod sa loob ng mahabang panahon bilang isang haligi ng peryodismong Pilipino. Sa kanyang pagsisimula bilang isang police reporter sa orihinal na Manila Times, bago pa idineklara ang martial law, agad niyang pinatunayan ang isang matapat at determinadong pagtupad ng isang misyon kahit na siya ay masuong sa panganib. Maliwanag na isa ito sa mga dahilan ng kanyang pagiging isang Neiman fellow – isang karangalan na ipinagkakaloob lamang sa natatangi at matatalinong peryodista mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Sinundan din ito ng katakut-takot na mga award bilang isang “total journalist.”

Palibahasa’y pareho kami ng pinaglilingkurang peryodiko, nasubaybayan ko siya bilang isang prolific journalist, pati ang kanyang pagkatao. Isa na siyang ganap na peryodista, samantalang ako ay isa lamang proofreader ng T-M-T (Manila Times, Daily Mirror at Taliba). Subalit halos araw-araw, nagkikita kami sa kantina at nagkukuwentuhan. Hindi makakatkat sa aking isipan ang pagiging mahinahon at mapagpakumbaba niya sa kabila ng pagiging kagalang-galang na mamamahayag.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ito ang dahilan kung bakit halos pag-agawan siya ng mga lider ng bansa upang makatuwang sa pagpapalaganap ng mga makabuluhang impormasyon. Una siyang itinalaga ni Presidente Fidel Ramos bilang Press Secretary. Siya rin ang naging Press Secretary ni dating Pangulong Erap Estrada. Pagkatapos nito, pinakiusapan siyang pamahalaan ang iba’t ibang pahayagan na hanggang ngayon ay namamayagpag pa.

Nakaukit na ang pagiging chairman ni Rod sa Samahang Plaridel, organisasyon ng mga beterano at lehitimong mamamahayag. Isang taimtim na pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay. Maraming salamat at sumalangit nawa ang iyong kaluluwa, kapatid. (Celo Lagmay)