Iginiit ng presidential bet na si Senator Grace Poe na tutuldukan niya ang “contractualization” sa trabaho upang mapigilan ang paglaganap ng kahirapan at pagkagutom sa bansa.
Aniya, ang contractualization o ang pagtatapos ng kontrata sa loob ng anim na buwan ay kilala rin sa sirkulo ng mga manggagawa bilang “Endo.”
Sa kanyang talumpati sa libu-libo niyang tagasuporta sa Baseco, Tondo, muling inulit ni Poe ang pangako niyang labanan ang pagkagutom at kontraktwalisasyon sa trabaho.
“Mga mahal ko na taga-Baseco, ilang taon, ilang dekada na rin kayong naghahanap ng tunay na pagbabago—pagbabago na magbibigay sa inyo ng mas maayos na buhay para sa inyong pamilya,” ani Poe sa harap ng libu-libong tagasuporta.
“Alam ko, gusto ninyong maging ligtas ang inyong pamilya. Pero mga kababayan, ang pinakaproblema natin ay kahirapan, hindi ba? Ang kahirapan ang puno’t dulo ng problema kaya kumakapit tayo sa patalim, hindi ba? Mga kababayan, hindi po ang mahirap ang dapat ating patayin kundi ang kahirapan,” aniya.
Muling inalala ni Poe ang marahas na dispersal operation sa mga nagprotestang mga magsasaka sa Kidapawan, North Cotabato noong Abril 1 na tatlong raliyista ang namatay habang mahigit 80 iba pa ang sugatan.
Ani Poe, hindi nangyari ang madugong insidente kung sensitibo lamang ang gobyerno sa pangangailangan ng mga mamamayan.
“Kaya nga po, nakita ninyo, hindi kayo nag-iisa. Hindi po karahasan ang solusyon, ang solusyon po ay katarungan,” ayon sa standard bearer ng Partido Galing at Puso. “Lahat tayo, ang problema ay kahirapan. Kaya kailangan ‘yung mga programang diretso sa tiyan ninyo, diretso sa bulsa ninyo ang tututukan ng susunod na pangulo, at ‘yan ay ipinapangako ko sa inyo.” (Leonel Abasola)