Sibak na sa Final Four ang University of the East. At wala nang timbang sa susunod na round ang laban kontra sa Adamson. Ngunit, marubdob ang hangarin ng Lady Warriors na tapusin ang UAAP season na may dangal.

Sa pangunguna ni Shaya Adorador, humirit ang Lady Warriors kontra Adamson Lady Falcons, 25-17, 25-22, 29-27, nitong Miyerkules sa UAAP women’s volleyball tournament, sa The Arena sa San Juan.

Bunsod nang panalo, natuldukan ng UE ang apat na taong pagdarahop sa panalo at tapusin ang 58-game losing skid.

Kulelat man sa pagtatapos ng elimination round, walang pagsidlan ang kasiyahan ng Lady Warriors sa tagumpay na maikukumpara sa tamis ng kampeonato. Huling nakapagtala ng panalo ang UE kontra National University noong Enero 28, 2012.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Parang nagkampeon na rin kami,” pahayag ni UE coach Francis Vicente.

“Parang siguro ’yung feeling ko umiiyak ako. Umiiyak ako kasi masaya ako dahil natigil namin yung 58 games na losing streak tapos straight sets pa,” aniya.

“Hindi sila bumigay hanggang huli noong third set. So ’yun ang nakikita natin nagmamature na ng konti ’yung team eh.

So hopefully by next year we’ll be there up there sa standing.” dagdag pa ni Vicente.