NAGLUNSAD ang Russia at China ng isang panukalang resolusyon sa United Nations upang pigilan ang mga grupong terorista, gaya ng Islamic State at ang may kaugnayan sa al-Qaida na Nusra Front, sa paglikha o paggamit ng mga chemical weapon sa Syria.
Sinabi ni Russian U.N. Ambassador Vitaly Churkin na ang panukalang resolusyon sa Security Council ang pupuno sa “missing link” sa mga umiiral na resolusyon at maaaring makapigil sa isang trahedya dahil “if terrorists plan to use chemical weapons, in our experience, sometimes they try to blame the Syrian government.”
“Our hope is that if they know that we are monitoring their activities, the incentive to use chemical weapons in the hope that the responsibility for that can be shifted elsewhere ... will diminish,” paliwanag ni Churkin.
Sinabi ni Churkin na marami nang naiulat kamakailan “of terrorist groups in Syria and neighboring Iraq using chemical weapons.”
Tinukoy niya ang isang iniulat ilang araw pa lang ang nakalipas mula sa Deir el-Zour, na roon binabarikadahan ng mga mandirigma ng Islamic State ang mga lugar na saklaw ng gobyerno, at isang report kamakailan mula sa Aleppo “where terrorists used chemical weapons and actually admitted to their use.” May mga ulat din na posibleng naghahanda ng mga kemikal na armas ang mga terorista.
Ayon kay Churkin, iniimbestigahan na ng isang chemical weapons watchdog at ng mga international weapons inspector ang mga suspetsa sa posibleng paggamit ng Syria ng mga kemikal na armas, ngunit walang iniulat tungkol sa umano’y paggamit ng mga grupong “terorista” sa mga nakamamatay na armas na ito, aniya.
Sa panukalang resolusyon, oobligahin ang mga bansa—partikular na ang mga kalapit ng Syria na Turkey at Iraq — na agad iulat sa Security Council at sa isang katatatag na pandaigdigang organisasyon na binubuo ng United Nations at ng Organization for the Prohibition of Chemical Weapons ang anumang pagkilos ng mga grupong terorista upang maglipat, pag-ibayuhin, o bumili ng chemical weapons. Ang bagong organisasyon ay tinatawag na Joint Investigative Mechanism o JIM at itinalaga sa pagtukoy sa mga responsable sa mga chemical attack sa Syria, aniya.
Oobligahin din ng panukala ang JIM na tugaygayan ang anumang pinaghihinalaang aktibidad at iulat ito buwan-buwan sa Security Council, aniya.
Sinabi ni Churkin na sa masinsinang diskusyon tungkol sa panukalang resolusyon nitong Miyerkules, iginiit ng ilang kasapi na dapat na mas malawak ang saklaw ng resolusyon. Ngunit, aniya, gugugol pa ito ng karagdagang panahon at “we think we cannot wait”.
Associated Press