Legaszpi City – Nabahiran ng kaguluhan ang dapat sana’y matiwasay na kompetisyon sa football sa ginaganap na 2016 Albay Palarong Pambansa matapos magkagulo at mag-away ang mga taga-suporta nang magkaribal na Negros Island Region (NIR) at National Capital Region (NCR) sa elementary football.
Habang isinusulat ito ay patuloy na iniimbestigahan ng Albay Philippine National Police (PNP) ang naganap na rambulan nitong Miyerkules ng gabi matapos na magkagulo sa kalagitnaan ng laban ang magkaribal na grupo.
Matatandaan na ang NCR at ang NIR o dating kilala bilang Western Visayas ang naglaban sa titulo sa nakalipas na taon.
Sumiklab umano ang kaguluhan sa Bicol University Football Field nang magkapikunan at magpang-abot ang mga tagasuporta.
Ikinagalit ng magulang ng miyembro ng NCR ang pang-iinsulto na nagpainit sa matinding palitan ng mga salita na nauwi sa iniulat na kaguluhan.
Wala pang pormal na pahayag ang Department of Education (DepEd) hinggil dito, ngunit, anila, ipatatawag umano ang mga sangkot na player at opisyal para malaman ang puno’t dulo.