Asahan na ang pagtaas ng P5 sa presyo ng asukal sa bansa anumang araw ngayong buwan, sinabi kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon kay DTI Undersecretary Victor Dimagiba, hindi pa naglalabas ng anunsiyo ang Department of Agriculture (DA) kung kailan ipatutupad ang napipintong pagtaas sa presyo ng asukal sa merkado.
Sinabi ng DTI na ang suggested retail price (SRP) sa kada kilo ng asukal ay nasa P50 kaya posibleng umakyat sa P55 hanggang P56 ang bentahan nito sa pamilihan.
Dahil sa nakaumang na taas-presyo sa asukal, unang maaapektuhan ang mga negosyong gumagamit ng naturang sangkap, gaya ng mabenta ngayong samalamig, halu-halo at ice cream.
Bukod dito, posible ring maapektuhan ang bentahan ng tinapay sa mga panaderya sa inaasahang dagdag-presyo sa asukal.
Hindi naman malinaw kung isa sa dahilan ng pagtaas ng presyo ng asukal ang nararanasang matinding epekto ng tagtuyot, na ikinasira ng mga pananim at naging dahilan ng pagbibitak-bitak ng mga taniman sa bansa. (BELLA GAMOTEA)