Tapos na ang boxing career ni Manny Pacquiao. At sa mainit na pagtanggap ng sambayanan sa kanyang pagbabalik mula sa matagumpay na laban kay Timothy Bradley, Jr. tunay na malaki ang espasyo ng Senado sa eight-division world champion.
Mainit ang pagtanggap ng sambayanan sa tinaguriang “Pacman” nang tahakin ng Team Pacman ang ilang lansangan sa Manila para sa ‘victory parade’. Hindi alintana ng mga tao ang init ng panahon at matiyaga silang naghihintay sa pagdaan ng karosa ni Pacman na kaagad namin tutumbasan ang kanilang sakrispiyo mula sa kaway, ngiti at paminsan-minsang pagbato ng t-shirt ng People’s Champion.
“Masarap sa damdamin na malaman mong mahal ka ng taong-bayan. Susuklian naman natin ito, sa pamamagitan ng pagtulong, pagsisilbi at pagbibigay sa kanila ng mga scholarship at livelihood program,” pahayag ni Pacman.
Dumating sa bansa si Pacquiao kasama ang buong pamilya at tagasuporta nitong Huwebes ng madaling araw sa Ninoy Aquino International Airport sakay ng Philippine Airlines flight PR 103.
Mainit siyang sinalubong ng mga tagahanga na maagang naghintay sa airport, gayundin ang mga maagang biyahero kung saan ipinagbunyi ang kanyang pangalan.
Matagumpay ang ‘trilogy’ ni Pacman nang pabagsakin ng dalawang ulit si Bradley tungo sa unanimous decision.
Sa isinagawang press conference, inulit ni Pacquiao ang desisyon na magretiro na sa boxing para bigyan ng tamang oras at kanyang pamilya gayundin ang magiging responsibilidad sakaling mahalal na Senador.
“Desidido na tayo. Sapat na yung panahon natin sa boxing. Focus naman tayo sa pamilya at sa trabaho ko bilang Senador ninyo,” sambit ni Pacquiao.
“Makakapag-spend time na ako kasama ang aking pamilya, hindi katulad nung dati,” aniya.
“Happy ako sa pagiging retired life. Maraming salamat sa support ng aking mga kababayan,” sambit ni Pacquiao.
Sa edad na 37, sinabi ni Pacquiao na sapat na ang karanasan niya bilang two-time Congressman para isulong ang kanyang nalalaman sa Senado.
“Yung pagtulong sa kapwa, yan naman ang essence nang ating pagtakbo sa Senado,” aniya.