Hindi na kailangan ng University of the Philippines Lady Maroons na dumaan sa playoff – salamat sa ayuda ng La Salle Spikers.
Pinabagsak ng Lady Spikers, sigurado na sa twice-to-beat na bentahe sa Final Four bilang No. 2 seed, ang National University Lady Bulldogs, 25-14; 21-25; 25-19; 25-15, nitong Miyerkules sa UAAP women’s volleyball final elimination match, sa The Arena sa San Juan.
Hataw si Kim Dy sa 25 puntos para sa Lady Spikers, tinapos ang double-round elimination na may 11-3 karta.
Makakaharap nila ang No.3 Far Eastern University Lady Tamaraws sa Final Four series.
Krusyal ang laro sa NU na makahihirit ng playoff para sa No.4 spot sakaling naipanalo ang laban sa La Salle. Bunsod nito, nakumpleto ng UP ang semi-final cast at haharapin nila ang No. 1 seed Ateneo.
“Sobrang pressure. Hindi nakarekober. Anyway, Masaya naman kami sa kabuan ng kampanya. May mga lapses, pero natural lang yun. May next year pa naman,” pahayag ni NU coach Roger Gorayeb.