ANG advanced voting ng mga Pilipino sa ibang bansa na nagsimula nitong Abril 9 ay nagbigay sa Commission on Elections (Comelec) ng oportunidad upang mabusisi ang proseso ng botohan at gawin ang mga kinakailangang pagbabago para sa eleksiyon sa Mayo 9.

May kabuuang 1,386,087 ang nakarehistro sa overseas voting; mayroon silang hanggang Mayo 9 upang bumoto sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa ibang bansa. Puntirya ng Comelec na mapaboto ang 80 porsiyento ng mga ito, bagamat 10 porsiyento lamang nito ang nakaboto noong huling halalan.

Sa 17 Philippine post, magsasagawa ang Comelec ng mixed voting, na pahihintulutan ang mga botante na pumili sa pagbotong manu-mano, gumagamit ng makina, o sa pamamagitan ng koreo. Ang mga botohang ito ay nasa Tokyo at Osaka sa Japan; Seoul sa South Korea; Singapore; Rome at Milan sa Italy; London sa England; Madrid sa Spain; Ottawa, Toronto, at Vancouver sa Canada; Washington, DC, Chicago, Los Angeles, New York, at San Francisco sa United States; at Agana sa Guam. Walang problemang naiulat sa pagboto sa mga nabanggit na lugar.

Sa ikalawang araw, iniulat ng Comelec na pumalya ang ilan sa mga vote counting machine (VCM) sa Hong Kong, Dubai, United Arab Emirates, at Riyadh sa Saudi Arabia. Sa mga sumunod na araw, pinahintulutan ang mga botante na ipasok ang kanilang balota sa mga makina ng mga kalapit na presinto. Nagpadala rin ng mga makinang pamalit.

Para sa halalan sa Mayo 9 sa mga bayan at siyudad sa Pilipinas, kumpiyansa ang Comelec na naisasakatuparan ang proseso gaya ng inaasahan. Nakumpleto na ng komisyon ang pag-iimprenta ng 56,772,230 balota noong nakaraang linggo, 18 araw na mas maaga kaysa deadline sa Abril 25. Ang beripikasyon ng mga balota, upang matiyak na tatanggapin ng makina ang mga ito, ay kinukumpleto na rin.

Kasunod ng utos ng Korte Suprema na mag-isyu ng resibo, nasa proseso na ngayon ang Comelec ng pag-amyenda sa General Instructions nito upang gabayan ang mga election inspector at mga botante. Nagpasya ang Comelec na buksan ang mga voting precinct ng 6:00 ng umaga at isasara ito ng 5:00 ng hapon. Magbibigay ito sa mga botante ng sapat na panahon—11 oras—upang bumoto at mabilisang busisiin ang kani-kanilang resibo.

At papalapit na tayo sa Araw ng Eleksiyon, na kumpiyansa ang Comelec na kontrolado nito ang sitwasyon. Ang isinasagawang advance voting sa ibang bansa ay magbibigay ng pagkakataon para sa mga kinakailangang pagbabago at pagwawasto, upang sa eleksiyon sa Mayo 9 ay maging tunay na matagumpay ang paghahalal natin ng bagong pangulo nang walang problema at kapalpakan na gaya ng nangyari sa mga nakalipas nating halalan.