PARA sa akin, si Rep. Leni Robredo ang umangat sa vice presidential debate kamakailan. Dahil walang dalang bagahe, malaya siyang nakapagsalita at naipaliwanag niyang mabuti ang mga isyung tinalakay. Mababakas sa kanyang mga sinabi ang katapatan at lalim ng kanyang pinagkukunan. Bagamat tila bagong salta siya sa larangang pinasok niya –inaambisyon ang pangalawa sa pinakamataas na posisyon sa bansa – matagal naman na siya sa serbisyo-publiko. Siya ay human rights lawyer na halos ganito ako sa paggamit ko ng aking propesyon mula nang maging abogado ako. Ang ipinagtatanggol ay ang mga dukha na kung tawagin niya ay mga nasa “laylayan ng lipunan”.
Bukod dito, naging katuwang siya ng kanyang asawang si Jesse Robredo na nanungkulan na alkalde ng Naga City sa mahabang panahon hanggang sa ito ay maging kalihim ng DILG. Kaya, dala niya ang mayamang karanasan, lalo na iyong maglingkod ng malinis dahil ganito nanilbihan ang kanyang asawa, nang siya ay humarap sa debate.
Leadership by example, ang naging kasagutan ni Robredo sa tanong sa kanila kung paano lalabanan ang krimen. Ang mga namumuno aniya ay dapat magbigay ng halimbawa ukol sa malinis at tapat na paglilingkod. Sa akin, ito ang pinakaepektibong paraan bilang panagot sa lumulubhang problema ng krimen sa ating bansa. Kung ang namumuno ay hindi mapagsamantala sa kaban ng bayan at ginagamit ang kapangyarihan ng gobyerno sa kapakanan ng mamamayan, napakadali nitong ipairal ang disiplina sa kanyang mga pinamumunuan. Madali naman sumunod ang mga ito sa nais niyang maging malinis at tapat silang lingkod-bayan dahil ganito mismo siya gumaganap ng kanyang tungkulin sa bayan.
Pero, kung kinakikitaan ng hindi maganda ang namumuno ‘tulad ng pagmamalabis sa tungkulin at pagpapayaman sa sarili gamit ang kapangyarihang ibinigay sa kanya ng taumbayan, gagayahin siya ng mga taong kanyang pinamumunuan. Gagamitin din nila sa kanilang sariling paraan ang paggamit ng kanilang taglay na kapangyarihan. Ito ang dahilan kung bakit bulok ang sistema ng katarungan. Sa loob ng gobyerno, may gumawa na nga ng katiwalian, may mga kasapakat pa dito ang hindi gumagawa ng maganda ‘tulad ng mga drug at gambling lord, kidnapper, hold-upper at iba pa. Sa ganitong klima, anuman ang gawin ng gobyerno, hindi nito masusugpo o kaya’y mabawasan ang krimen dahil wala itong puwersang moral.
(Ric Valmonte)