IPINAGMALAKI ni Kathryn Bernardo sa dumalong movie press sa kanyang post birthday celebration ang libro niyang Everyday Kath. Aniya, dream come true sa kanya na matawag siyang isang author.

Kaya ang agad na itinanong sa kanya ay kung may balak ba siyang sundan agad ang nasabing libro na bumebenta raw ngayon nang husto.

“Hindi ko pa po talaga alam kung susundan ko agad ‘yun. Sa totoo lang, eh, ‘yun naman ang talagang naging challenge sa akin, I mean ‘yung libro kong yun. ‘Yung content kasi hindi lang fashion and beauty, gusto ko rin naman na may matutunan sila,” sagot ni Kath.

Dagdag pa ng Kapamilya aktres, hindi naman daw pupuwedeng mabilisan ang pagsusulat ng libro. Kailangan niyang pag-aralang mabuti kung ano ang common problem ng lahat.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

“Kailangan din naman na may gagawin kang study para maisama mo ang problema nila sa libro,” banggit ni Kathryn.

Dahil sa tagumpay ng kanyang libro, pinasalamatan ng aktres ang mga taong naging inspirasyon at nagsisilbing gabay niya sa pagsusulat nito.

“Kung ano naman ako ngayon, eh, dahil ‘yun sa mga parents ko. Mas naging mature ako because of their guidance and I am really thankful na nasasabi ko na kailangan ko sila. Hindi naman porke twenty na ako ngayon, eh, alam ko na ang lahat. ‘Kinukonsulta ko pa rin sa kanila ang mga bagay-bagay,” katwiran ng ka-love team ni Daniel Padilla.

Lahad pa ni Kath, ngayon na tumuntong na siya sa bente anyos ay unti-unti na rin niyang binabalikan ang kanyang pag-aaral ng kursong Marketing. Dalawang taon na siyang huminto sa pag-aaral dahil naging sobrang busy siya sa ginagawa niyang projects.

“Ngayon, eh, may mga general subjects akong kinukuha na kinakailangan talaga para matapos ko ang kurso at hanggang kaya ko naman talaga, eh, ilang units ang ini-enroll ko ngayon. Sa totoo lang, talagang sobrang hirap na pagsabayin pero isang challenge sa akin ito,” seryosong lahad ng sikat na aktres.

Pinahahalagahan ni Kathryn ang kanyang edukasyon at pagkakaron ng college diploma. Iba raw kasi kapag may natapos na kurso ang isang kagaya niya.

“’Yung iba kasi ‘pag sinasabing artista, walang pinag-aralan, ganu’n, pero at least ‘pag nakatapos ka, meron kang ma’papakita sa mga tao at sa sarili mo na nakayanan mo. Sa totoo lang naman kasi hindi naman forever ang pagiging artisa kaya kailangan lang meron tayong back-up and ‘yung future ma’pagmamalalaki mo,” sey pa rin ng iniidolo ng kabataan. (JIMI ESCALA)