Ibinunyag ng United States kahapon na sa unang pagkakataon ay sumali ang mga barko ng Amerika, kasama ang Pilipinas, sa pagpapatrulya sa South China Sea, isang bibihirang hakbang na hindi nito ginawa kasama ang ibang kaalyansa sa rehiyon.

Kasabay nito, inanunsiyo rin ni Defense Secretary Ash Carter sa joint news conference kasama si Philippine Defense Secretary Voltaire Gazmin na iiwanan ng United States ang halos 300 tropa nito, kabilang na ang mga Air Force commando na armado ng combat aircraft at helicopters, sa Pilipinas sa pagtatapos ng Balikatan Exercises ngayong araw. Ito ay bahagi ng military build-up sa pag-init ng tensiyon sa South China Sea.

Sisimulan din ng U.S. ang pagpapadala ng mga puwersa sa Pilipinas, upang palakasin ang pagsasanay at suportahan ang pinalakas na operasyon ng militar sa rehiyon.

Nangyari ang pinalakas na military support ilang araw matapos hilingin ng isang diplomat ng Pilipinas sa U.S. na tumulong sa pagkumbinsi sa China na huwag magtayo ng isla sa Scarborough Shoal, isang mahalagang pangisdaan ng mga Pilipino.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sinabi ni Philippine Ambassador to Washington Jose Cuisia Jr. na walang kakayahan ang Pilipinas na pigilan ang China sa konstruksiyon nito sa nasabing lugar.

Ayon sa Pentagon, ang puwersa ng U.S. na mananatili rito ay ang mga sumali sa Balikatan o shoulder-to-shoulder combat exercises na magtatapos ngayong Biyernes. Tinatayang 200 airmen, kabilang na ang special operations forces ang mananatili sa Clark Air Base, kasama ang tatlong Pave Hawk attack helicopters, isang MC-130H Combat Talon II special mission aircraft at limang A-10 combat aircraft.

Ang initial contingent na ito ay magkakaloob ng pagsasanay sa sama-samang pagkilos ng dalawang militar, maglalatag ng groundwork para sa joint air patrols ng mga tropa at sa paggalaw ng mga barko.

Aabot din sa 75 Marines ang mananatili sa Camp Aguinaldo upang suportahan ang pinaigting na combined military operations ng U.S. at Pilipinas sa rehiyon. (The Associated Press)