kobe copy copy

Kobe Bryant, humirit ng 60 puntos sa ‘farewell game’.

LOS ANGELES (AP) — Sa kanyang huling laro, sa pinakasikat na Staple Center sa Hollywood, tinuldukan ni Kobe Bryant ang pamosong basketball career sa kahanga-hanga at dominanteng pamamaraan.

Tila batang Kobe ang napanood ng basketball fans – dumedepensa, pumapasa at kumakana sa post-up tungo sa kabuuang 60 puntos sa kanyang huling laro matapos ang 20 season sa Los Angeles Lakers at gapiin ang Utah Jazz, 101-96.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Kumubra si Bryant ng 23 puntos sa fourth quarter para maitala ang kauna-unahang 50 puntos mula noong Pebrero 2009 at pangunahan ang matikas na pagbalikwas ng Lakers mula sa 15 puntos na paghahabol tungo sa panalo na panandaliang tumakip sa pinakamasamang marka sa kasaysayan ng prangkisa.

Ngunit, sa sandaling ito, wala sa overall performance ang atensiyon ng Lakers fans kundi sa pinakamatikas na laro ni Bryant sa kanyang huling season sa liga.

Magkasunod na 3-pointer ang binitiwan ni Bryant para ilagay ang Lakers sa 97-96 bentahe.

Huling nakapagtala ng 61 puntos si Bryant kontra sa New York noong 2009. Ito ang ikalimang highest-scoring game sa career ni Bryant at tinanghal siyang pinakamatandang NBA player na nakaiskor ng mahigit sa 50 puntos.

Ang kabuuan ng gabi ay pagbibigay parangal kay Bryant na tinapos ang kanyang career matapos ang 20 season, na may limang kampeonato, at 18 All-Star selection.

Siya ang ikalimang player sa NBA na nakapaglaro ng 20 o higit pang season sa liga at kauna-unahang naglaro sa iisang koponan.

“The biggest and greatest celebrity we’ve had in this town for 20 years and the the greatest to wear the purple and gold,” pahayag ni Hall-of-Fame Magic Johnson sa pre-game tribute.

Dumating din para magbigay ng kanyang suporta at pagbati si Shaquille O’Neal, katuwang ni Bryant sa dalawa sa kabuuang limang NBA title na nakamit niya sa Lakers. Hindi naging maganda ang paghihiwalay ng dalawa, ngunit iginiit ni Bryant na tapos na ang naturang yugto sa kanilang career.