UNTI-UNTING inungusan ni Duterte ang kanyang mga kalaban sa pagkapangulo, ayon sa bagong survey.
Painit na nang painit ang labanan ng mga kandidato.
Ngunit nangako ang kalaban niyang si Sen. Grace Poe na dodoblehin pa ang kanyang mga pagsisikap upang makabawi at muling manguna, habang sina Vice President Jejomar Binay at Sec. Mar Roxas ay nangakong palalawigin pa ang pangangampanya sa iba’t ibang lugar.
Wala na halos isang buwan bago ang Mayo 9, kaya’t kinakailangang doblehin ang pagsisikap sa kampanya.
Ayon sa Pulse Asia, si Duterte na ang nanguna sa pinakabagong survey na kinomisyon ng ABS-CBN, kung saan nakakuha ito ng 30 porsiyento.
Inanunsiyo rin ng Social Weather Stations (SWS) na sa nasabing survey, lamang ng 27 porsiyento si Duterte mula sa mga kalaban.
Isa itong back-to-back victory para sa “The Punisher.”
“We are humbled,” ani Duterte.
Makikita sa Pulse Asia’s nationwide survey (isinagawa noong Marso 29 hanggang Abril 3) na tumaas ng 6 na porsiyento si Duterte na nakakuha lamang ng 24 na porsiyento noong Marso 15-20 poll.
Habang ang kapantay niya noong si Sen. Grace Poe ay pumangalawa na lamang sa kanya na may 25 porsiyento, mula sa naunang 28 porsiyento.
“We just have to work harder and get our message through to our people,” pahayag ni Poe.
Ang 4,000 rehistradong botante na nakiisa sa face-to-face survey ng Pulse Asia ay pinili si VP Jejomar Binay (UNA) para sa ikatlong puwesto na may nakuhang 20 porsiyento (mula sa 23 porsiyento), at sinundan ni Mar Roxas (Liberal Party), na may 19 na porsiyento (hindi nagbago), at si Sen. Miriam Defensor Santiago (PRP), na may 2 porsiyento (hindi rin nagbago), habang 4 na porsiyento naman ang undecided.
Nanguna si Duterte sa Metro Manila na may 32 porsiyento, sa Luzon naman si Poe na may 31 porsiyento, at nagtungo si Duterte sa Mindanao at nakakuha ito ng 55 porsiyento, habang nakuha naman ni Roxas ang loob ng mga taga-Visayas na may 34 na porsiyento.
Para naman sa bise president, nangunguna naman sa kanyang mga katunggali si Sen. Ferdinand Marcos na may 28 porsiyento, sinundan naman nina Sen. Francis Escudero at Rep. Leni Robredo na may parehong 21 porsiyento. At ay sinundan ni Sen. Alan Peter Cayetano na may 15 porsiyento, Sen. Antonio Trillanes IV na may 5 porsiyento, at Sen. Gregorio Honasan na may 4 na porsiyento.
Nagbabago rin ang puwesto ng mga tumatakbong bise. Sino kaya sa kanila ang mailuluklok sa Mayo 9? (FRED M. LOBO)