NAKISAMA na rin si Aiza Seguerra sa hanay ng mga celebrity na nagpaabot ng tulong sa mahigit 70 magsasaka na kinasuhan at isinailalim sa kustodiya ng pulisya matapos ang marahas na dispersal operation sa Makilala-Kidapawan national highway sa North Cotabato kamakailan.

Ngunit sa halip na mag-donate ng bigas sa mga magsasaka, nagpasya si Seguerra na magbigay ng tulong pinansiyal sa mga magsasaka na nagtayo ng barikada sa naturang lansangan dahil sa umano’y kawalan ng aksiyon ng gobyerno sa kanilang sinapit bunsod ng pananalasa ng El Niño sa kanilang itinanim na palay.

Dumating si Aiza sa Kidapawan City nitong Miyerkules.

Tatlong magsasaka ang patay at mahigit sa 50 ang sugatan sa insidente at aabot naman sa 20 ang sugatan sa hanay ng pulisya.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Matatandaan na unang nagpaabot ng tulong sa farmer’s group si Robin Padilla na nag-donate ng sako-sakong bigas ilang araw matapos ang madugong rally. Nagpadala rin ng sako-sakong bigas sina Perci Intalan at Jun Lana, Anne Curtis, Jasmine Curtis-Smith, Bianca Gonzales, Karla Estrada at Daniel Padilla, Mariel Rodriguez, Angel Locsin, Erika Padilla, Megan Young, Mikael Daez, NUR Factory, at Luis Manzano.

Sinabi ng prosekusyon na nakakalap na ang mga magsasaka ng mahigit P500,000 milyon bilang pangpiyansa sa kanilang kinahaharap na kasong direct assault. Ayon sa mga ulat, inirekomenda ng korte ang P6,000 piyansa sa bawat magsasakang sangkot sa insidente mula sa orihinal na P12,000.

Sa kabila ng paghahain ng piyansa, hindi pa rin pinalaya ng pulisya ang ilang magsasaka dahil sa kawalan ng dokumento na magpapatunay sa kanilang pagkakakilanlan.