Nagdulot ng mahigit walong oras na matinding trapiko sa lansangan ang pagtagilid ng isang 18-wheeler truck na may kargang 18 toneladang liquefied petroleum gas (LPG) matapos itong sumalpok sa poste ng flyover sa Tramo, Pasay City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Pasay Traffic Department, dakong 1:00 ng umaga nang bumangga ang naturang truck, na pag-aari ng Island Air Products Corporation, sa flyover bago bumalagbag sa dalawang lane ng kalsada malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ng driver na si Efren Canillo na galing siya sa Bataan at patungo sa gasolinahan sa Malibay nang mawalan siya ng kontrol sa manibela bunsod ng mabigat na karga ng truck hanggang sa sumalpok ito sa poste at pader ng flyover.
Dahil sa aksidente, isinara ang naturang kalsada at naperhuwisyo ang mga pasaherong magtutungo sa NAIA.
Pasado 9:00 ng umaga nang tuluyang maalis ang nakabalandrang truck at nahakot na rin ng mga tauhan ng IAPC ang nagkalat na tangke ng LPG subalit inabot pa rin ng ilang oras bago nadaanan ang kalsada dahil kailangan munang linisin ito dahil sa nagkalat na krudo. (Bella Gamotea)